Si Kuya Hesus na Muling Nabuhay ay Ating Kalakbay sa Buhay 

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay
Lucas 24, 13-35

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang Linggo ding iyon, ang dalawa sa mga alagad ay patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, may labing-isang kilometro ang layo sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Hesus at nakisabay sa kanila. Siya’y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad. Tinanong sila ni Hesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” At tumigil silang nalulumbay. Sinabi ng isa na ang ngala’y Cleopas, “Kayo lamang po yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na katatapos pa lamang nangyari roon.” “Anong mga bagay?” tanong niya. At sumagot sila, “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa gawa at salita, maging sa harapan ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong saserdote at mga pinuno upang mahatulang mamatay, at siya ay ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito; nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan, at di nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi’y nakakita raw sila ng isang pangitain – mga anghel na nagsabing buhay si Hesus. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at gayon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Hesus.”

Sinabi sa kanila ni Hesus, “Kay hahangal ninyo! Ano’t hindi ninyo mapaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta? Hindi ba’t ang Mesiyas ay kailangang magbata ng lahat ng ito bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At ipinaliwanag sa kanila ni Hesus ang lahat ng nasasaad sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa sinulat ng mga propeta.

Malapit na sila sa nayong kanilang patutunguhan, at si Hesus ay waring magpapatuloy pa ng lakad. Ngunit siya’y pinakapigil-pigil nila, “Tumuloy na po kayo rito sa amin,” anila, “sapagkat palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya’t sumama nga siya sa kanila. Nang siya’y kasalo na nila sa hapag, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos, saka pinaghati-hati at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang paningin at nakilala nila si Hesus, subalit ito’y biglang nawala. At nawika nila, “Kaya pala gayon ang pakiramdam natin habang tayo’y kinakausap sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!”

Noon di’y tumindig sila at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon ang Labing-isa at ang ibang mga kasama nila na nag-uusap-usap, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Napakita kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan, at kung paano nila siyang nakilala nang paghati-hatiin niya ang tinapay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kuwento ni Hesus

May dalawang alagad si Kuya Hesus na malungkot na naglalakad patungong Emaus nang makisabay sa kanila ang isang lalaking di nila kilala. Ipinaliwanag sa kanila ng estranghero ang mga Kasulatan habang sila’y  naglalakbay, ngunit hindi nila nakilala na ang kanilang kasama ay si Kuya Hesus pala! Inaya nilang maghapunan ang kalakbay at noong kinuha ni Kuya Hesus ang tinapay at pinaghati-hati ito, doon lamang nabuksan ang kanilang mga mata! Agad silang nagbalik sa Jerusalem upang ibalita na ang Panginoon ay tunay ngang buhay

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Alam mo ba na sa tuwing tayo ay dumadalo sa Banal na Misa ay nakakasalo natin si Hesus? Ang tinapay at alak ay nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Kristo. Isipin mo kung inanyayahan mo ang iyong mga kaibigan na kumain sa inyong bahay, pero imbes na makipag-usap ay panay pindot lang sila sa cellphone. Ganoon din ang pakiramdam ni Hesus kapag tayo ay hindi nakikinig o balisa tuwing Misa. Mas masaya ang salu-salo kung ibinibigay natin ang ating buong atensyon sa Kanya na ating pinaka-espesyal na Panauhin.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko maipapakita na kinikilala ko si Hesus tuwing ako ay nasa Misa?

🌟 Aral ni Hesus

Patuloy nating ipinagdiriwang ang saya ng Muling Pagkabuhay ni Hesus na laging nagnanais na mapalapit sa ating puso. Sa kwento ng mga alagad sa Emaus, may tatlong mahahalagang aral tayong matututunan tungkol sa ating Panginoon.

🟡 Ipinapakita ni Hesus na Siya ang ating bagong pag-asa sa gitna ng anumang lungkot. Tulad ng mga alagad, minsan ay nakakalimutan nating buhay si Hesus kapag tayo ay may problema, kaya naman binubuksan Niya ang ating isipan sa pamamagitan ng Kanyang Salita sa Bibliya. Maaari nating basahin ang Kanyang mga turo upang maramdaman natin ang Kanyang gabay sa ating pag-aaral at sa ating mga desisyon sa buhay.

🟡 Si Hesus ay laging kasama natin sa ating paglalakbay sa bawat oras at pagkakataon. Hindi Siya lumalayo sa atin at masaya Siyang nakikinig sa ating mga kuwento at dasal sa tuwing tayo ay naglalaro o nasa paaralan. Ipinapaalala nito na hindi tayo kailanman nag-iisa dahil ang Kanyang pag-ibig ay sapat na upang bigyan tayo ng lakas na harapin ang anumang pagsubok.

🟡 Nakikilala natin nang lubos si Hesus sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa Banal na Eukaristiya. Ang paghahati ng tinapay ay ang espesyal na sandali kung saan tinatanggap natin ang Kanyang Katawan upang tayo ay maging kaisa Niya at ng ating kapwa. Sa pamamagitan ng pagtanggap ng Komunyon nang may malinis na puso, nagkakaroon tayo ng bagong lakas na tumulong at magmahal sa ibang tao.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Makinig nang mabuti sa homiliya at subukang tandaan ang isang kwento o aral na maaari mong ibahagi sa iyong mga kalaro pag-uwi.

✅ Maglalaan ng tatlong minuto bawat gabi para pasalamatan si Hesus sa mga biyayang natanggap mo sa buong araw.

✅ Mag-video call sa isang lolo, lola, o kamag-anak na malayo upang kumustahin sila at pakinggan ang kanilang mga kwento.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo 😇

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines 🙏


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, salamat po dahil lagi Mo kaming sinasamahan sa aming paglalakbay sa araw-araw. Buksan Mo po ang aming mga mata at puso upang makilala Ka namin nang lubos sa Banal na Misa at sa kabutihang ginagawa namin sa aming kapwa. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.