Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Hesus, “Ipinanganak na bulag ang lalaking ito, hindi dahil sa nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos. Dapat nating gawin ang mga ipinagagawa ng nagsugo sa akin samantalang araw pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakita na.
Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Hesus ay gumawa ng putik at ipinahid sa aking mga mata. Pagkatapos, sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Kaya’t pumaroon ako at naghilamos, at nakakita na ako.” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Ewan ko po,” sagot niya.
Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay.
Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ang mga Judio na siya’y dating bulag, kaya’t ipinatawag nila ang mga magulang ng taong iyon. At tinanong sila, “Anak ba ninyo ito? Talaga bang siya’y ipinanganak na bulag? Bakit nakakikita na siya ngayon?” Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam po naming siya ang aming anak, at siya’y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi namin alam kung bakit nakakikita na siya ngayon, o kung sino ang nagpadilat sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Siya’y may sapat na gulang na at makapagsasabi ng tungkol sa kanyang sarili!” Ganito ang sabi ng kanyang mga magulang dahil sa takot sa mga Judio, sapagkat pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Hesus ang Mesiyas. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya’y may sapat na gulang na; siya po ang tanungin ninyo.”
Kaya’t muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” Hindi ko po alam kung siya’y makasalanan o hindi,” tugon niya. “Isang bagay ang alam ko: dati akong bulag ngunit ngayo’y nakakikita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo?” tanong nila. “Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?” Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw ninyong pakinggan. Ano’t ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging alagad niya?” At siya’y inalipusta nila. “Ikaw ang alagad niya,” sabi nila. “Ngunit kami’y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagpakita ang Diyos kay Moises; ngunit ang taong iyon – ni hindi namin alam kung saan nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang kataka-taka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayung pinadilat niya ang mga mata ko. Alam nating hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinakikinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Buhat sa pasimula ng sanlibutan ay wala pang nakapagpapadilat ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya’y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?” At siya’y itiniwalag nila.
Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.
Sinabi pa ni Hesus, “Isang kahatulan sa sanlibutan ang pagparito ko, upang makakita ang mga bulag at mabulag ang mga nakakikita.” Narinig ito ng ilang Pariseong malapit sa kanya at siya’y tinanong, “Ibig mo bang sabihi’y bulag din kami?” Sumagot si Hesus, “Kung kayo’y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit sinasabi ninyong nakakikita kayo, kaya’t nananatili ang inyong mga kasalanan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Pinagaling ni Hesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag sa pamamagitan ng pagpahid ng putik sa mga mata nito at paghilamos sa kanya sa Siloe. Bagamat marami ang kumuwestiyon at nag-alinlangan sa milagro, matapang na pinatunayan ng lalaki na si Hesus ang nagpadilat sa kanya. Nang muling matagpuan ni Hesus ang lalaki, nagpakilala Siya bilang Anak ng Tao, at ang dating bulag ay buong pusong sumampalataya at sumamba sa Kanya.
“Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo?” “Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” Juan 9:35-38
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Subukan mong ipikit ang iyong mga mata ng ilang sandali at maingat na lumakad patawid sa iyong silid. Posibleng ikaw ay mababangga o matitisod dahil wala kang nakikita. At hindi man bulag, kung wala namang liwanag, hindi ka rin makalalakad nang matuwid dahil wala kang makikita. Bukas ba ang iyong mata sa lahat ng nangyayari sa iyong paligid, o baka naman nakapikit ka sa mga nangangailangan? Mapalad ang taong binuksan ni Hesus ang mata sa kaligtasan, habang ang iba ay nagbubulag-bulagan sa katotohanan.
🔍 Balikan ang Sarili
Nakikita mo ba ang tunay na pangangailangan ng iyong kapwa, lalo na ang mga naghihirap at may sakit, o pinipili mong pumikit na lang?
🌟 Aral ni Hesus
Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon na suriin ang ating sarili kung paano natin isinasabuhay ang mga turo ni Hesus. Maging liwanag tayo sa ating kapwa sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit at pagtulong sa abot ng ating makakaya.
✝️ Buksan ang mga mata sa pagkakataong tumulong sa mga nag-aaway o may tampuhan. Sa halip na manahimik, maging instrumento ka ng pagkakasundo. Mamagitan para pagkakaunawaan at pagpapakumbaba para maging maayos ang lahat.
✝️ Ibahagi ang anumang biyaya kahit sa tingin mo ay sapat lang ito para sa iyo. Kahit sapat lang ang iyong allowance o meriyenda, ang pagbibigay ng maliit na bahagi nito sa mas nangangailangan ay pagpapakita na ang liwanag ni Hesus ay nasa iyong puso.
✝️ Linisin ang ating paningin sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti hangga’t may pagkakataon. Kung tatanggalin natin ang “putik” ng katamaran o takot sa ating mga mata, makikita natin na napakarami nating puwedeng gawin para sa simbahan at sa kapwa gaya ng paglilinis ng kapaligiran o pagdarasal para sa mga may sakit.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Lapitan at kausapin ang isang kalaro o kaklase na madalas mapag-isa o hindi pinapansin ng iba.
✅ Mag-alay ng isang munting sakripisyo, gaya ng pagbabawas sa oras ng paglalaro ng gadgets, upang makatulong sa mga gawaing bahay.
✅ Magdasal ng isang “Aba Ginoong Maria” para sa isang taong kilala mong may pinagdaraanan o may sakit ngayong linggo.
Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Regina Ignacio, SFI ng Franciscan Immaculatine Sisters 😇
Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, Ikaw ang ilaw ng aming buhay na nagpapadilat sa aming mga mata. Tulungan Mo po kaming makita ang kabutihan sa lahat ng bagay at bigyan Mo kami ng pusong laging handang tumulong sa aming kapwa. Amen.