Si Kuya Hesus ay Muling Nabuhay at Patuloy na Kasama Natin

Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Juan 20:1-9

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

📖 Kuwento ni Hesus

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo nang pumunta si Maria Magdalena sa libingan ni Kuya Hesus at nakita niyang wala na ang batong panakip. Sa takot at pag-aalala, tumakbo siya kina Pedro at sa alagad na mahal ni Kuya Hesus. Nang makita nila ang libingang walang laman at ang mga kayong lino na maayos na nakalagay, unti-unting naunawaan ang nangyari. Doon, nagsimulang maniwala ang mga alagad na si Kuya Hesus ay tunay na muling nabuhay.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Nawalan ka na ba ng isang bagay na iyong pinapahalagahan? Hindi ba parang tayo ay magugulat, matatakot, tatakbo, at magpa-panic na hanapin ang nawawala? Nakakalungkot isipin na baka hindi na natin ito muling makita pa. Ganito rin ang naramdaman nina Maria Magdalena at ng mga Apostol nang makita nilang wala na ang katawan ni Hesus sa loob ng libingan. Ngunit ang akala nilang malungkot na pagkawala ay simula pala ng pinakamagandang sorpresa sa mundo. Ang takot nila ay napalitan ng malaking kagalakan dahil buhay ang ating Panginoon!

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko maipapakita ang aking tiwala at pananampalataya kay Hesus kahit hindi ko Siya nakikita ng personal?

🌟 Aral ni Hesus

Sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, ipinapakita sa atin ni Hesus na ang kamatayan ay hindi ang wakas. Sa likod ng takot at lungkot, may bagong pag-asa at bagong buhay na inihahanda ang Diyos para sa atin.

🟡 Ang akala nating pagkawala ay maaaring simula ng magandang balita. Akala ni Maria Magdalena ay nawala si Hesus, pero iyon pala ang tanda na si Hesus ay muling nabuhay! Sa buhay natin, kapag may nawala o nagbago, maaari pala itong magbukas ng bagong pagkakataon na mas mabuti.

🟡Ang pananampalataya ay paniniwala kahit hindi pa malinaw ang lahat. Ang alagad ay naniwala kahit hindi pa niya lubos na nauunawaan ang nangyari. Kapag patuloy tayong nagdarasal at nagtitiwala kay Hesus kahit may tanong tayo, lumalakas ang ating pananampalataya.

🟡Dahil buhay si Hesus, may bagong simula tayo araw-araw. Ang muling pagkabuhay ni Hesus ay paalala na puwede tayong magsimulang muli. Kapag tayo ay nagpapatawad, gumagawa ng mabuti, at nagmamahal, ipinapakita nating tayo ay tao para sa Panginoon.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Mag-iwan ng isang anonymous na “Thank You” note o maikling sulat ng pag-asa sa desk ng isang guro o sa bag ng isang kaklase.

✅ Ayusin ang isang bagay sa bahay na matagal nang nakakalat bilang tanda ng bagong simula

✅ Itapon o i-recycle ang mga lumang papel o gamit na hindi na kailangan bilang tanda ng paglilinis para sa bagong simula.

🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, salamat dahil Ikaw ay muling nabuhay at laging kasama namin. Tulungan Mo kaming magtiwala sa Iyo kahit kami’y nakakaramdam ng takot at mamuhay bilang mga batang puno ng pag-asa at pagmamahal. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay