Si Kuya Hesus ang Nagbibigay ng Higit Pa sa Ating Pangangailangan

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mateo 14:13-21

Ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.

Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limpang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng pira-pirasong tinapay. May limang libong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kuwento ni Hesus

Nakita ni Hesus ang napakaraming taong sumunod sa kanya at nahabag siya sa kanila. Nang magutom ang mga tao, sinabi ng mga alagad na pauwiin na sila upang makabili ng pagkain. Ngunit ipinakita ni Hesus ang kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos nang paramihin niya ang limang tinapay at dalawang isda upang mapakain ang lahat. Kumain ang libu-libong tao at may natira pang labindalawang bakol ng tinapay.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na ba ang mag-share ng iyong baon sa isang kaklase na nakalimot magdala ng pagkain? Minsan, kapag kaunti lang ang dala nating tsokolate o biskwit, nag-aalinlangan tayong mamigay dahil baka maubusan tayo. Ngunit napansin mo ba na kapag masaya mong ibinahagi ang kung ano ang mayroon ka, parang mas sumasaya ang pakiramdam at mas sumasarap kumain kasama ang iyong mga kaibigan? Ang mga apostoles man ni Hesus ay nag-alala noong una dahil sa tingin nila ay kulang na kulang ang limang tinapay at dalawang isda para sa napakaraming tao. Ngunit ipinakita sa atin sa Mabuting Balita ngayon na ang maliit na bagay na ibinabahagi nang buong-puso ay pinalalago at pinagpapala ng Panginoon.

🔍 Balikan ang Sarili

Sa aking munting paraan, ano ang maaari kong ibahagi para makapagpasaya ng iba?

🌟 Aral ni Hesus

Hindi lamang pinakain ni Hesus ang mga tao; itinuro rin niya kung paano magtiwala sa Diyos at magmahal sa kapwa. Sa pamamagitan ng himalang ito, ipinakita niya na kayang palaguin ng Diyos ang anumang ibinibigay natin nang may pananampalataya at pagmamahal.

❤️ Nahahabag si Hesus sa mga nangangailangan. Hindi binale-wala ni Hesus ang gutom at pagod ng mga tao. Tayo rin ay inaanyayahang maging mapagmalasakit sa iba. Halimbawa, kapag may kaklaseng nalulungkot o walang makasama, maaari natin siyang kausapin, samahan, o tulungan.

❤️ Maaaring gamitin ng Diyos ang ating munting handog. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang mayroon ang mga alagad, ngunit ginamit ito ni Hesus upang mabusog ang napakaraming tao. Kahit maliit ang ating maibibigay, tulad ng ilang minuto ng pagtulong sa bahay o pagbabahagi ng baon, maaari itong gamitin ng Diyos upang makagawa ng kabutihan.

❤️ Magtiwala tayo na ang Diyos ang magbibigay ng ating kailangan. Nang tingnan ng mga alagad ang kanilang pagkain, nakita nilang kulang ito. Ngunit nakita ni Hesus ang pagkakataong ipakita ang kabutihan ng Diyos. Kapag tila kulang ang ating kakayahan o lakas, maaari tayong magtiwala na tutulungan tayo ng Diyos sa tamang panahon.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Anelita Lagbo, OSA ng Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation  😇

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies 🙏

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Magbahagi ng bahagi ng iyong baon o meryenda sa isang taong nangangailangan ngayong linggo.

✅ Maghanda ng “sharing snack” sa bahay, kahit maliit lang, at anyayahan ang pamilya na magpasalamat muna bago kumain.

✅ Magpasalamat sa Diyos ngayong gabi para sa lahat ng pagkain at biyayang natanggap mo ngayon.

🙏 Panalangin

♱ Salamat po, Kuya Hesus, sa Iyong walang-hanggang habag at sa pagpuno Mo sa lahat ng aming kakulangan. Turuan Mo po kaming maging bukas-palad at matutong magpasalamat sa bawat munting biyayang natatanggap namin araw-araw. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.