Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”
Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”
Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang natala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Kinagabihan ng Linggo ng Muling Pagkabuhay, dumating si Kuya Hesus sa mga alagad na nagkukubli dahil sa takot. Binati Niya sila ng kapayapaan at ipinakita ang Kanyang mga sugat bilang patunay na Siya ay tunay na buhay. Wala noon si Tomas kaya hindi siya naniwala.
Makalipas ang walong araw ay muling bumalik si Kuya Hesus upang tulungan si Tomas na maniwala, at doon ipinahayag ang pagpapala para sa mga nananampalataya kahit hindi nakikita.
“Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Juan 20, 29
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Anu-anong mga bagay ang alam mong nariyan kahit hindi mo nakikita? Isipin mo ang hangin dahil hindi mo ito nakikita pero dahil humihinga ka ay alam mong may hangin sa paligid. Pwede rin nating isipin ang liwanag na nagbibigay kulay sa mundo sapagkat kung wala ito ay madilim at wala tayong makikita. Tulad ng hangin at liwanag, si Hesus ay laging nariyan para sa atin kahit hindi natin Siya nahahawakan. Ang Kanyang presensya ay nararamdaman natin sa katahimikan ng ating puso at sa kabutihan ng mga tao sa ating paligid.
🔍 Balikan ang Sarili
Ano ang maaaring patunay sa akin ngayon na si Hesus ay tunay na muling nabuhay?
🌟 Aral ni Hesus
Ipinakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad na Siya ay buhay at malapit sa kanila. Sa Kanyang pagbisita, binigyan Niya tayo ng mga regalong magagamit din natin sa araw-araw.
🟡 Ang kapayapaan ay regalong ibinibigay ni Hesus sa mga natatakot. Hindi Niya pinagalitan ang mga alagad kahit sila ay natakot at nagtago. Sa halip, binati Niya sila ng kapayapaan at ipinakita ang Kanyang mga sugat bilang tanda ng Kanyang pagmamahal, tulad ng pagyakap sa atin kapag tayo rin ay kinakabahan, natatakot o nalulungkot.
🟡 Ang pananampalataya ay pagtitiwala kahit hindi nakikita. Tinulungan ni Hesus si Tomas na maniwala at ipinaalala na mapalad ang mga naniniwala kahit hindi Siya nakikita. Kapag nagtitiwala ka kay Hesus kahit ikaw ay nababahala, kahit hindi mo agad nakikita ang sagot, lumalakas ang iyong pananampalataya.
🟡 Ang pagpapatawad ay kapangyarihang nagbibigay ng bagong simula. Ibinigay ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang Espiritu Santo upang magpatawad ng kasalanan. Kapag tayo ay marunong magpatawad at humingi ng tawad, gumagaan ang ating puso at mas nagiging mabuti ang ating relasyon sa Diyos at sa kapwa.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Maging “Peace Maker.” Kung mayroon kang kagalit o nakatampuhan, ikaw ang unang bumati ng “Peace be with you” o mag-alok muli na makipaglaro.
✅ Pumili ng isang linya sa Mabuting Balita na pinakatumatak sa iyong isip at ibahagi ito sa pamilya
✅ Ngumiti at bumati ng “Magandang araw” sa mga taong nagsisilbi sa inyong komunidad (guard, tindera, o drayber) bilang pagbabahagi ng kapayapaan ni Hesus.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, salamat po sa hatid mong kapayapaan at sa pagmamahal na laging nariyan para sa amin. Tulungan Mo po kaming manampalataya nang buong puso kahit hindi Ka namin nakikita, at turuan Mo kaming maging mapagpatawad sa aming kapwa. Amen.