Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama ay sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Sinabihan ni Kuya Hesus ang Kanyang mga alagad na huwag silang mabalisa dahil ipinaghahanda Niya tayo ng matitirhan sa bahay ng Kanyang Ama. Ipinahayag Niya na Siya ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay, at walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Niya. Ipinaliwanag din ni Kuya Hesus na ang sinumang nakakita sa Kanya ay nakakita na rin sa Ama dahil Sila ay iisa sa gawa at sa pag-ibig.
“Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.” Juan 14:6–7
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Ano ang ginagamit natin para malaman ang daan patungo sa lugar na hindi pa natin napupuntahan? Kapag may birthday party at hindi natin alam ang bahay ng kaibigan, inaalam natin ang address at tinitingnan ang mapa. Hindi tayo basta-basta lalakad nang walang direksyon. Bilang mga tao, may huling patutunguhan din tayo. Lahat tayo ay nais makarating sa langit. Pero paano nga ba tayo makararating doon at sino ang magtuturo sa atin ng tamang daan?
🔍 Balikan ang Sarili
Kapag naririnig ko ang pangako ni Hesus na babalik Siya upang isama tayo sa Kanyang kinaroroonan, napupuno ba ako ng pag-asa at tiwala? Bakit?
🌟 Aral ni Hesus
Ipinapakita ni Hesus na ang Diyos ay hindi malayo at nakakatakot. Siya ay Ama na nagmamahal, Anak na gumagabay, at Espiritu na nagbibigay-lakas.
🟡 Si Hesus ang Daan na gumagabay sa atin patungo sa Ama. Hindi tayo naglalakad nang mag-isa dahil si Hesus ang nagtuturo ng tamang landas. Kapag pinipili mong maging tapat, masunurin, at mapagmahal, sumusunod ka sa daan na itinuro Niya.
🟡 Ang pagkilala kay Hesus ay pagkilala rin sa Ama. Sa kabutihan at awa ni Hesus, nakikita natin kung paano magmahal ang Diyos. Kapag ikaw ay nagpapatawad at tumutulong, ipinapakita mo rin ang pagmamahal ng Ama sa iba.
🟡 Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa atin na mamuhay ayon sa aral ni Hesus. Binibigyan Niya tayo ng lakas ng loob at talino araw-araw. Kapag nagdarasal ka at humihingi ng gabay, tinutulungan ka ng Espiritu Santo na pumili ng mabuti.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Gumawa ng simpleng “mapa” na tala ng mga tamang desisyon at kabutihang nagawa sa isang araw
✅ “Truth Challenge.” Sa loob ng buong araw, maging tapat sa lahat ng sasabihin sa mga guro at kaklase, kahit na nakaka-pressure na sumabay sa maling ginagawa ng iba.
✅ Gumawa ng gawaing bahay na hindi mo karaniwang ginagawa
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, salamat po dahil Ikaw ang aming Daan, Katotohanan, at Buhay. Tulungan Mo po kaming laging sumunod sa Iyong mga yapak at lumakad nang may pananampalataya upang makarating kami nang ligtas sa Iyong piling sa langit. Amen.