Si Kuya Hesus, ang Buhay at Muling Pagkabuhay 

Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Juan 11: 1-45

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, may isang tao na ang ngala’y Lazaro. Nakatira ito sa Betania, kasama ng kanyang mga kapatid na sina Maria at Marta. Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang mga buhok sa mga paa ng Panginoon. Nagkasakit si Lazaro, kaya’t nagpasabi kay Hesus ang magkapatid, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” “Rabi,” sagot ng mga alagad, “hindi po ba’t kamakailan lamang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio? Bakit kayo pupunta na naman doon?” Sinabi ni Hesus, “Hindi ba may labindalawang oras sa maghapon? Hindi natitisod ang lumalakad kung araw, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito; natitisod ang lumalakad kung gabi, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.” Idinugtong pa ni Hesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Paroroon ako upang gisingin siya.” “Panginoon, kung gayun po’y gagaling siya,” tugon ng mga alagad. Ang pagkamatay ni Lazaro ang tinutukoy ni Hesus, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog ang tinutukoy nya. Dahil dito’y maliwanag na sinabi ni Hesus, “Patay na si Lazaro; ngunit dahil sa inyo, ako’y nagagalak na wala ako roon – upang kayo’y manalig sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagyaya sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, kahit sa kamatayan.”

Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro ang layo ng Jerusalem sa Betania, at marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin.

Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”

Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag si Maria at pabulong na sinabi, “Naririto na ang Guro, ipinatatawag ka.” Pagkarinig nito, nagmamadaling tumayo si Maria at sinalubong si Hesus. Hindi pa nakararating si Hesus sa nayon; naroon pa siya sa dakong kinasalubungan ng kanya ni Marta. Sinundan si Maria ng mga Judiong umaalis sa kanya nang siya’y nagmamadaling tumindig at lumabas. Akala nila’y pupunta siya sa libingan upang manangis.

Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Hesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. “Panginoon,” wika niya, “kung narito po lamang kayo, hindi na sana namatay ang aking kapatid.” Nahambal si Hesus nang makitang tumatangis si Maria, pati ng mga Judiong kasama niya, at siya’y napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?”

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay. Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa inyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.”

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kuwento ni Hesus

Nabalitaan ni Hesus na may sakit ang Kanyang kaibigang si Lazaro, ngunit hindi Siya agad nakapunta. Nang siya’y makarating, nalaman niyang apat na araw nang patay si Lazaro at nailibing.  Sa gitna ng pighati nina Marta at Maria, ipinahayag ni Hesus na Siya ang “muling pagkabuhay at ang buhay” at pinatunayan ito sa pamamagitan ng pagtawag kay Lazaro mula sa libingan. Nabuhay muli si Lazaro at dahil sa himalang ito, marami ang nanalig na si Hesus ang Anak ng Diyos na may kapangyarihan sa kamatayan.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Narinig mo na ba ang kasabihang, “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo”? May mga pagkakataong ganito ang pakiramdam natin kapag dumating ang inaasahang tulong, ngunit parang hindi na kailangan. May mga araw na mabigat ang loob sa bahay dahil sa hindi pagkakaunawaan. May mga sandaling nahihirapan sa isang subject sa school, o nasasaktan sa mga salitang nababasa sa social media. Minsan, kahit sa mga kaibigan, may tampuhan na hindi agad naaayos. Nananalangin tayo at umaasang darating ang tulong o sagot o kaya lilipas din ang mga ito. Ngunit may mga panahong parang walang sagot at tahimik ang langit. Kapag may samahang tuluyan nang nasira o bumagsak na sa exam, naiisip natin, “huli na ang lahat!”

🔍 Balikan ang Sarili

May mga pagkakataon ba na nawawalan ka na ng pag-asa dahil tila hindi naririnig ang iyong panalangin, at nakikita mo ba ang plano ng Diyos sa kabila ng iyong mga pagsubok?

🌟 Aral ni Hesus

Si Hesus ang ating buhay at pag-asa. Itinuturo Niya sa atin na ang lahat ng ating mga pagsubok at pinagdadaanan ay may mahalagang layunin para sa ating ikabubuti. Tandaan natin na walang hanggan at walang imposible sa kapangyarihan ni Hesus. 

✝️ Manatiling matatag sa pananalig dahil may plano ang Panginoon sa ating lahat. Minsan ginagamit ng Diyos ang mahihirap na sitwasyon, gaya ng mababang grade o tampuhan, para turuan tayong maging mas masipag at matatag na bata.

✝️ Magtiwala na laging naririnig ng Diyos ang iyong mga pagsusumamo. Kung tila hindi pa ibinibigay ang hinihiling mo, patuloy na magdasal nang may pag-asa at galak dahil inihahanda lang ni Hesus ang isang mas malaking sorpresa o himala para sa iyo.

✝️ Maging saksi sa kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa lahat ng oras. Tulad ni Hesus na nagpasalamat sa Ama bago pa man bumangon si Lazaro, piliin nating maging masaya at magpasalamat kahit nasa gitna pa tayo ng pagsubok.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Gumawa ng “Gratitude Jar” o listahan ng mga answered prayers mo para maalala ang kabutihan ng Diyos kapag ikaw ay pinanghihinaan ng loob. 

✅ Magpakita ng suporta at pag-asa sa isang kaibigang malungkot sa pamamagitan ng pag-aliw sa kanya o pagsasabi ng “Kaya mo ‘yan, kasama mo ako at si Hesus!”

 ✅ Maglaan ng oras ngayong linggo para magdasal nang taimtim para sa mga taong nawawalan na ng pag-asa sa buhay.


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, salamat dahil Ikaw ang aming buhay at muling pagkabuhay. Turuan Mo po kaming laging magtiwala sa Iyong plano at huwag mawalan ng pag-asa dahil alam naming sa Iyo, ang lahat ng bagay ay posible. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay