Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Pinasalamatan ni Kuya Hesus ang Ama dahil inihayag Niya ang katotohanan sa mga taong may mapagkumbabang puso na tulad ng sa mga bata. Inanyayahan Niya ang lahat ng mga napapagal at nahihirapan na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng tunay na kapahingahan. Nangako Siya na ang Kanyang pamatok ay maginhawa at ang pasaning ibibigay Niya ay magaan para sa ating kaluluwa.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.” Mateo 11:28
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Nasubukan mo na bang magbuhat ng mabigat na bagay? Halimbawa, ay isang sakong bigas o kaya naman ay ang mga kilo-kilong pinamalengke ni Nanay na may lamang karne at isda. Naku, siguradong mahihirapan tayo kung mag-isa lang nating bubuhatin iyon! Pero kung hahatiin ninyo ang pagbubuhat o tutulungan natin si Nanay, siguradong gagaan ang dalahin. Ito rin ang iniaalok na tulong ni Kuya Hesus sa ating lahat dahil kapag tayo ay nabibigatan sa mga problema sa school o sa pamilya, handa Siyang maging kaagapay natin upang tayo ay maginhawaan.
🔍 Balikan ang Sarili
Sa mga oras na ikaw ay malungkot o nahihirapan, naaalala mo bang ibahagi ito kay Kuya Hesus upang gumaan ang iyong pakiramdam?
🌟 Aral ni Hesus
Itinuturo ni Kuya Hesus na hindi natin kailangang pasanin ang mga hirap ng buhay nang mag-isa. Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba at pagtitiwala sa Kanya, nagiging makabuluhan at magaan ang bawat sakripisyo natin.
♥️ Maging mapagkumbaba at bukas ang puso sa pakikinig sa turo ng Diyos. Nakakalungkot na minsan, ang mga itinuturing na “marurunong” sa Ebanghelyo ay ang mga taong mayayabang. Pero ang mga batang tulad mo ay madaling maturuan ni Kuya Hesus dahil marunong kang makinig at magtiwala. Maipakikita mo ito sa pamamagitan ng pagtanggap ng payo mula sa iyong mga magulang at guro nang may mabuting loob.
♥️ Isama si Kuya Hesus sa iyong mga “pamatok” o mga tungkulin sa buhay. Ang pamatok ay kahoy na nagbubuklod sa dalawa para maging balanse ang bigat, kaya kung kasama mo si Kuya Hesus sa pag-aaral o paggawa ng mabuti, hindi ka agad mapapagod. Halimbawa, bago simulan ang isang mahirap na assignment, hilingin mo sa Kanya na samahan ka para hindi ka masyadong mahirapan o mainis.
♥️ Magsumikap na maging maamo at mababang-loob sa pakikitungo sa iyong kapwa. Sinabi ni Kuya Hesus na matatagpuan natin ang kapahingahan kung tutularan natin ang Kanyang kababaang-loob. Sa halip na makipag-away o magmatigas kapag may kalarong hindi mo kasundo, piliin ang maging mahinahon at mapagpatawad upang manatiling payapa ang iyong puso.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Maglaan ng oras para sa “heart-to-heart talk” kay Kuya Hesus sa pamamagitan ng panalangin bago matulog at sabihin sa Kanya ang iyong mga ikinalulungkot.
✅ Tumulong sa isang gawaing bahay na alam mong makapagpapagaan sa pagod ng iyong mga magulang o kasama sa bahay.
✅ Mag-Sorry sa isang taong nagawan mo ng mali bilang pagsasanay sa kababaang-loob.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Kuya Hesus, salamat po sa Iyong paanyaya na lumapit sa Iyo kapag kami ay napapagal. Turuan Mo po kaming maging maamo at mababang-loob upang lagi naming maramdaman ang Iyong kapayapaan at kaginhawaan. Amen.