Si Jose ang Mapagkumbaba at Matapat na Katuwang ng Diyos

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento
Pagbasa: Mateo 1:18-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:

“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.

Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kwento ni Hesus

Inilahad sa Ebanghelyo kung paano nalaman ni Jose na nagdadalang tao si Maria sa pamamagitan ng Espiritu Santo bago sila ikasal. Nalito at nag-alala si Jose, ngunit pinili niyang maging mabuti at hindi pahiyain si Maria. Nagpakita sa kanya ang isang anghel sa panaginip at sinabi ang plano ng Diyos para sa kanilang dalawa. Pagkagising ni Jose, buong puso niyang sinunod ang Panginoon.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Minsan mahirap sundin ang gusto ng nakatatanda lalo na kung salungat ito sa gusto natin. Halimbawa, gusto mong maglaro pero kailangan mong samahan si Mama sa isang lakad. Ano kaya ang mararamdaman mo? Minsan hindi natin agad nauunawaan ang mga sitwasyon sa buhay at nagiging mabigat ito sa puso.

Ganyan ang naramdaman ni Jose nang malaman niyang nagdadalang tao si Maria. Ngunit nang marinig niya ang mensahe mula sa Diyos, pinili niyang magtiwala at sumunod. Dahil sa kanyang kabutihan at pagtitiwala, natupad ang plano ng Panginoon para sa pagliligtas ng sangkatauhan.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko pinahihintulutan ang Diyos na patnubayan ako sa aking mga desisyon?

🌟 Aral ni Hesus

Tinatawag tayo ng Diyos na magtiwala at makinig sa Kanyang plano tulad ni Jose. Kapag bukas ang puso natin, nagiging katuwang tayo ng Diyos sa paggawa ng kabutihan sa mundo.

✴️Ang pagsunod sa Diyos ay nagmumula sa mabuting puso. Kapag pinili nating gumawa ng tama kahit mahirap, mas nagiging malinaw ang landas na ibinibigay ng Diyos. Halimbawa, kapag pinili mong sumunod kahit iba ang gusto mong gawin, ipinapakita mong nagtitiwala ka sa Kanya.

✴️Mahalaga ang pakikinig sa bulong ng Diyos. Minsan dumarating ito sa pamamagitan ng panalangin, payo ng magulang, o katahimikan. Kapag nakikinig tayo, mas nauunawaan natin ang kabutihang nais Niya para sa atin.

✴️Ang tapang ni Jose sa pagsunod sa Diyos ay aral para sa atin. Hindi madali ang sumunod sa plano ng Diyos lalo na kung may takot at pagdududa. Ngunit tulad ni Jose, kapag nanatili tayong matatag, gagabayan tayo ng Diyos at gagamitin Niya tayo para sa ikabubuti ng kapwa… tayo ay nagiging daluyan ng Grasya ng Diyos. 

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Magdasal at humingi ng lakas na maging masunurin tulad ni Jose.

✅ Sumunod nang may kagalakan sa isang bagay na hinihiling ng magulang.

✅ Gumawa ng isang kabutihang hindi mo inaasahang gantihan.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Fr. Christian Relota mula sa San Pablo Apostol Mission Station, Negros Occidental ❤️

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines 😇


🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!


🙏 Panalangin

♱ Panginoon, buksan Ninyo ang aming puso upang makinig sa Inyong mensahe. Tulungan Ninyo kaming magtiwala at sumunod tulad ni San Jose. Nawa ay maging katuwang Ninyo kami sa pagdadala ng kabutihan sa mundo. Amen. 

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.