Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Hesus ay dumating sa Jordan mula sa Galilea at lumapit kay Juan upang pabinyag. Sinansala siya ni Juan na ang wika, “Ako po ang dapat binyagan ninyo, at kayo pa ang lumalapit sa akin!” Ngunit tinugon siya ni Hesus, “Hayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” At pumayag si Juan. Nang mabinyagan si Hesus, umahon siya sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos, bumababa sa kanya, gaya ng isang kalapati. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kwento ni Hesus
Pumunta si Hesus sa Ilog Jordan upang magpabinyag kay Juan Bautista bilang pagtalima sa plano ng Diyos. Kahit nagulat si Juan dahil alam niyang mas dakila si Hesus, nagpakumbaba ang Panginoon at itinuloy ang binyag. Nang umahon Siya, bumukas ang langit at bumaba ang Espiritu Santo habang sinasabi ng Ama na Siya ay lubos na kinalulugdan.
“Hayaan mo itong mangyari ngayon; sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Mateo 3:15
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Ano ang angkin mong galing o talento? Baka sa school, isa ka sa pinakamagaling sumayaw, mahusay sa sining, magaling na basketball player o sadyang napakatalino kaya laging matataas ang iyong grado sa math! Naku! Minsan napakahirap iwasan na hindi maging mapagmataas kapag alam nating mas marami tayong alam o kayang gawin kaysa sa ating mga kaklase. Siyempre nakakatuwa atang lagi kang pinupuri ng mga guro o kaklase. Ngunit ang pagiging simple at may kababaang-loob ay isang mahalagang katangian na dapat nating taglayin.
🔍 Balikan ang Sarili
Sa anong pagkakataon ko nahihirapang magpakumbaba sa harap ng aking mga kaibigan?
🌟 Aral ni Hesus
Ang binyag ni Hesus ang simula ng Kanyang misyon at tanda ng Kanyang pagpapakumbaba para sa atin. Itinuturo nito ang tatlong mahahalagang aral:
💧Ang binyag ay naglilinis sa ating mga kasalanan at nagbibigay ng bagong buhay. Sa pamamagitan ng tubig, tinatanggap natin ang grasya ng Diyos upang maging banal. Dahil dito sanayin natin ang ating sarili na piliin ang kabutihan. Paano? Sa pagsasabi ng totoo o paghingi ng paumanhin kung tayo ay may nasasaktan.
💧Tayo ay naging bahagi ng pamilya ng Diyos o ang Simbahan. Dahil dito, lahat tayo ay magkakapatid at walang sinumang itinatatwa ang Panginoon. Maipapakita mo ito sa pagtanggap at pakikipagkaibigan sa lahat ng bata nang walang pinipili.
💧May misyon tayong maglingkod gaya ng Lingkod ng Panginoon. Bilang mga Kristiyano, tinatawag tayong magsakripisyo, magturo ng kabutihan, at mamuno nang may pagmamahal. Kapag tumutulong ka sa iyong kapwa nang may pagkukusa at walang hinihintay na kapalit, isinasabuhay mo ang iyong misyong maglingkod.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Magpasalamat sa mga magulang dahil ikaw ay pinabinyagan sa simbahan
✅ Sa halip na magyabang, tumulong sa isang kaklaseng nahihirapan sa aralin
✅ Magsimba at makinig nang mabuti at buong isip at pusong makiisa sa misa.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, maraming salamat po sa pagkakaloob mo ng Sakramento ng Binyag na nagbukas ng pinto upang maging bahagi ako ng Iyong pamilya. Puspusin Mo po ako ng Iyong Espiritu Santo upang matularan ko ang Iyong kababaang-loob at maging tapat na lingkod sa aking kapwa sa lahat ng pagkakataon. Amen.