Pinagbuklod ng Alab ng Pagmamahal ng Diyos

Linggo ng Pentekostes
Juan 20:19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

May mga araw bang parang ang gulo-gulo ng paligid mo? Lahat nag-aaway, nagtatalo, at parang ang hirap humanap ng katahimikan. Minsan pati sa bahay o sa eskwela, may tampuhan, inggitan, o sumbatan. Pero may mga pagkakataon ding may yumakap sa’yo at nagsasabi ng “Okay na tayo.” Ang sarap sa pakiramdam, ‘di ba? Ganyan din ang nais ni Hesus—na tayo’y magkaisa, magmahalan, at magpatawaran.

📖 Kwento ni Hesus

Kinagabihan ng Linggo ng muling pagkabuhay, natakot ang mga alagad at nagtago. Biglang dumating si Hesus at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Ipinakita Niya ang Kanyang mga sugat, at natuwa ang mga alagad. Muli Siyang nagsalita, “Kung paanong sinugo Ako ng Ama, sinusugo Ko rin kayo.” Pagkatapos, hiningahan Niya sila at ibinigay ang Espiritu Santo. Binigyan Niya sila ng kapangyarihang magpatawad ng kasalanan.

🔍 Balikan ang Sarili

Sa gitna ng kaguluhan at ingay ng mundo, paano mo hinahanap ang kapayapaan at pagmamahalan?

🌟 Aral ni Hesus

Tinuruan tayo ni Hesus kung paanong mamuhay nang may tunay na kapayapaan at pagkakaisa. Sa pagbibigay Niya ng Espiritu Santo, binigyan Niya rin tayo ng kakayahang magmahal at magpatawad tulad Niya.

  1. Ang Espiritu Santo ang nagbibigay ng kapayapaan sa gitna ng takot at gulo. Tulad ng mga alagad na natakot, binigyan tayo ni Hesus ng Espiritu Santo upang mapawi ang ating kaba—lalo na kapag may problema tayo sa pamilya o paaralan.
  1. Tinawag tayong magpatawad tulad ng ginawa ni Hesus. Kapag nasaktan tayo ng iba, mahirap magpatawad, pero sa tulong ng Espiritu Santo, matututunan nating buksan ang ang ating puso gaya ng pagtanggap ng mga alagad ng kapayapaan mula kay Hesus.
  1. Pinagbubuklod tayo ng pagmamahal ng Diyos. Sa halip na mag-away, tinuturuan tayo ni Hesus na magmahalan at magtulungan bilang magkakaibigan at magkakapatid sa pananampalataya.

Ang buhay na kasama ang Espiritu Santo ay buhay na may kapayapaan, kapatawaran, at pagmamahalan.

👐 Gawa

Kapag magulo ang paligid, tandaan mo: kasama mo ang Espiritu Santo! Piliin natin ang isa sa mga gawaing ito ngayong linggo:

✅ Manalangin sa Espiritu Santo kapag nakakaramdam ng kaba o gulo sa puso.

✅ Humingi ng tawad o magpatawad sa isang taong nakasamaan ng loob.

✅ Gumawa ng maliit na liham o sulat para ipahayag ang pasasalamat at pagmamahal sa isang kaibigan o kapamilya.


🙏 Manalangin Tayo…

♱ O Espiritu Santo, Ikaw ang aming kapayapaan at lakas sa panahon ng kaguluhan. Tulungan Mo po kaming mamuhay sa kapayapaan at pagpapatawad araw-araw. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay