Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Naalala mo ba ang huling beses na nakatanggap ka ng regalo? Maaaring noong Pasko, kaarawan, o isang espesyal na okasyon. Siguradong natuwa ka at sabik na sabik buksan ito!
Araw-araw din, nagbibigay si Hesus ng mga regalo sa atin—ang panibagong araw sa ating buhay, kalusugan, pagkain, laruan, at mga kaibigan. Ngunit madalas, abala tayo sa paggamit ng mga biyayang ito at nakakalimutang magpasalamat sa Kanya.
Isipin mo, kung ikaw ang nagbigay ng regalo at hindi man lang nagpasalamat sa iyo, ano kaya ang iyong mararamdaman?
📖 Kwento ni Hesus
Sa Kanyang paglalakbay, sinalubong si Hesus ng sampung lalaking may ketong—isang sakit na nagpapalayo sa kanila sa ibang tao. Humingi sila ng awa kay Hesus, at sinabi Niya lang sa kanila na magpakita sa mga saserdote. Habang naglalakad sila, laking gulat nila at gumaling silang lahat! Sa sampung pinagaling na ketongin, isa lang ang bumalik upang magpasalamat.
“Tanong ni Hesus, “Hindi ba sampu ang gumaling? Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” (Lucas 17:17–18)
🔍 Balikan ang Sarili
Sa lahat ng biyayang natanggap ko sa Panginoon, kailan ako huling bumalik upang magpasalamat?
🌟 Aral ni Hesus
Tinuturuan tayo ni Hesus na maging mapagpasalamat sa mga biyayang ating natatanggap dahil ang lahat ng mabubuting bagay ay nagmumula sa Kanya.
🤲 Maging tulad ng Samaritano. Tularan natin ang Samaritanong nagbalik agad kay Hesus upang magpasalamat. Ibig sabihin, kapag nakamit natin ang mga bagay na ating hiniling tulad ng mataas na grado, huwag lang nating purihin ang ating sariling galing. Bumalik agad tayo sa Diyos na nagbigay ng talino at kalinawan ng isip habang tayo’y nag-aaral at nagsusulit. Ang pasasalamat ay tanda ng pagkilala na Siya ang pinagmulan ng lahat ng mabubuting bagay sa ating buhay.
🤲 Ang pasasalamat ay pagpupuri. Ang Samaritano ay “nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagpasalamat.” Kapag nagpapasalamat tayo, nagpupuri rin tayo. Sinasabi natin sa Diyos, “Napakabuti Mo, Panginoon!” Magandang halimbawa nito ang pagdarasal ng pasasalamat matapos tayong kumain, hindi lamang bago tayo kumain.
🤲 Bukal ng himala ang pusong may malalim na pananalig sa Diyos. Sinabi ni Hesus sa Samaritano, “Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.” Tulad sa Ebanghelyo noong nakaraang linggo, kahit maliit na pananampalataya tulad ng butil ng mustasa ay makapagpapagawa ng malalaking himala sa ating buhay. Kaya’t lagi tayong magtiwala sa kabutihan ng Panginoon upang kahit sa mga sandaling hindi natin gusto ang mga nangyayari, makita pa rin natin ang kabutihan at aral na dala nito sa ating buhay.
🤗Gawa
Sikaping maging tulad ng isang ketongin na nagbalik at nagpasalamat. Piliin at gawin ang tatlo (3) sa mga ito ngayong linggo:
✅ Matuto magpasalamat sa ating mga panalangin at hindi lang puro panghihingi.
✅ Maging mapagpasalamat sa ibang tao na nagiging daluyan ng biyaya sa ating buhay tulad ng ating magulang, pamilya at mga guro.
✅ Gumawa ng listahan ng mabubuting bagay na nangyari sa buhay.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong bukal ng lahat ng kabutihan at lakas, pinasasalamatan Ka namin sa Iyong pagiging mapagbigay at sa pagtanggap Mo sa amin gayong di kami karapat-dapat. Tulungan mo kaming makita ang lahat ng biyayang dumadating sa aming buhay at maging mapagpasalamat araw-araw Amen.