Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.”
At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Isang araw, habang naglalaro kayo ng habulan ng iyong matalik na kaibigan, bigla siyang nadapa at nasugatan sa tuhod. Hindi ba’t parang ikaw man ay nasaktan din, kaya tinulungan mo siyang linisin at gamutin ang sugat? Kung ganoon ang nararamdaman natin sa kaibigan, lalo na siguro ang isang magulang kapag nasasaktan ang anak. Handa silang magsakripisyo para sa atin—tulad ng nanay o tatay na hindi natutulog kapag may sakit ka, o kahit pagod na, gigising pa rin ng maaga para tulungan ka sa paghahanda at gawin ang ang baon mo sa school. Ganyan ang tunay na pagmamahal—laging may kasamang sakripisyo.
📖 Kwento ni Hesus
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo na Siya ang Anak ng Tao na itataas tulad ng ahas ni Moises sa ilang. At ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat mahal ng Diyos ang mundo, kaya masakit man, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang tayo ay maligtas.
🔍 Balikan ang Sarili
Nitong nakaraang mga araw, anong maliit na sakripisyo ang nagawa mo para sa kapwa?
🌟 Aral ni Hesus
Lubos ang pagmamahal ng Panginoon sa atin kaya ipinadala Niya ang Kanyang Anak na si Hesus upang iligtas tayo. Ang pagmamahal ay may kasamang sakripisyo, pananampalataya, at pagtulad kay Hesus.
✝️ Ang Pagmamahal ay may Kasamang Sakripisyo. Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak para sa ating kaligtasan—pinakamalinaw na tanda ng pag-ibig para sa lahat! Tulad ng isang nanay na, kahit pagod na pagod na mula sa maghapong trabaho, ay handa pa ring magpuyat para alagaan ang anak na may lagnat. Ang tunay na pagmamahal ay hindi laging madali, pero nagiging mas totoo at makabuluhan kapag handa tayong magsakripisyo para sa kapwa.
✝️ Pananampalataya ang Nagbibigay ng Lakas. Ang pagmamahal ni Hesus ang nagbibigay sa atin ng lakas para magpatuloy sa kabila ng ating mga nararanasang paghihirap. Siya mismo ay naghirap at namatay para sa atin, kaya ba nating harapin ang ating mga suliranin? Hindi tayo dapat sumuko—lagi tayong humingi ng tulong at magtiwala sa Kanya.
✝️ Magmahal Gaya ni Hesus. Ang simpleng pagtulong ay nagiging tanda ng pag-ibig ng Diyos na dumadaloy sa atin. Sa maliit na paraan—tulad ng pagbabahagi ng laruan o baon sa kaklaseng walang dala—naipadarama natin ang malasakit at kabutihang-loob ni Kristo. Ang bawat maliit na sakripisyo ay nagiging makabuluhang pagmamahal.
Ang pag-ibig ng Diyos ay totoo, buo, at walang hanggan. Inaanyayahan Niya tayong sumampalataya at tumulad sa Kanyang pagmamahal sa ating araw-araw na buhay.
🤗Gawa
Ngayon, isipin mo: Paano mo maipapakita ang pagmamahal ni Hesus sa iyong kapwa?
✅ Magdarasal ako at magtitiwala kay Hesus lalo na kapag may problema o takot ako.
✅ Tutulong ako sa bahay o sa kaibigan kahit mahirap o nakakapagod, bilang maliit na sakripisyo.
✅ Pipiliin kong gumawa ng tama at magbahagi sa iba, tulad ng ginawa ni Hesus.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, iniligtas Mo kami sa pamamagitan ng Iyong pagpapakasakit sa Krus. Tulungan Mo kaming maging karapat-dapat sa pangako Mong buhay na walang hanggan, habang pinapasan namin araw-araw ang aming mga krus nang may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Amen.