Panawagang Igalang at Mahalin ang Kabataan

Kapistahan ng Sto. Niño
Mateo 18:1-5. 10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tinawag ni Hesus ang isang bata, pinatayo sa harapan nila, at sinabi, “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa akin ay ako ang tinatanggap. Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kwento ni Hesus

Isang araw, tinanong ng mga alagad si Hesus kung sino ba ang pinaka-espesyal sa kaharian ng langit. Imbes na isang hari o sundalo, tinawag ni Hesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harap nila upang maging halimbawa. Sinabi Niya na ang sinumang marunong magpakumbaba at maging payak na tulad ng bata ang siyang tunay na dakila, dahil hinding-hindi Niya pababayaan ang maliliit na ito na laging binabantayan ng mga anghel.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Santo Niño! Mahilig tayong mga Pilipino sa Sto Niño kaya’t halos lahat ng bahay ay may imaheng ito. Karaniwan pa nga ay binibihisan ang mga imahe ng damit na ayon sa mga trabaho ng magulang o kaanak tulad ng nars, pulis, doktor, teacher. Parang napakadali nating humiling at magdasal sa batang Hesus dahil Siya’y musmos, payak at walang kamuwang-muwang sa buhay. Sa ganito rin inihahalintulad ni Hesus ang mga taong madaling makakapasok sa Kanyang kaharian. Simple ang mensahe ng Ebanghelyo, itulad natin ang ating mga sarili sa mga bata upang tayo ay makapasok sa kaharian ng langit.

🔍 Balikan ang Sarili

Sa anong paraan ko maaaring gawing mas payak, mapagkumbaba, at mapagtiwala ang aking puso araw-araw?

🌟 Aral ni Hesus

Itinuturo sa atin ni Hesus na ang tunay na “bida” sa mata ng Diyos ay ang mga taong mapagkumbaba. Hindi kailangang maging pinakamagaling sa lahat ng bagay; mas mahalaga ang pusong tapat, payak, at marunong magmahal.

😇 Maging handang magpatawad at piliing ayusin agad ang hindi pagkakaunawaan. Diba minsan ang mga bata mabilis magkapikunan at magkatampuhan sa paglalaro pero maya-maya makikita mong bati na ulit sila! Dahil para sa kanila, mas mahalaga ang pagsasamahan kaysa sa galit. Kapag may nakaalitan ka sa bahay o sa paaralan, subukang makipag-usap, at makipag-ayos upang manatiling magaan at masaya ang iyong puso.

😇 Panatilihin ang pusong payak at marunong magtiwala sa Diyos. Habang tumatanda ang tao, minsan nagiging mahirap ang magtiwala dahil sa mga naranasang mga hirap at sakit. Kaya inaanyayahan tayo ni Hesus na tularan ang isang bata na buong tiwalang kumakapit sa kanyang magulang. Kapag ikaw ay natatakot o nahihirapan, alalahanin na maaari kang laging kumapit kay Hesus sa pamamagitan ng panalangin.

😇 Ipakita ang paggalang at malasakit sa kapwa, lalo na sa mas bata at mas mahina. Mahalaga ang bawat bata sa mata ng Diyos, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Kapag may nakikita kang kalaro na nasasaktan o inaapi, maging bukas ang iyong puso at kamay upang tumulong at mag-alaga sa abot ng iyong makakaya.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Maging magalang at mapagpakumbaba sa pakikitungo sa lahat sa bahay at paaralan

✅ Tumulong nang bukal sa loob kahit walang kapalit o papuri

✅ Ipakita ang malasakit sa mas bata o mas mahina sa pamamagitan ng kabaitan at pag-unawa


Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Ate Dana Castillo ng Canossian Academy Calamba, Laguna 😇

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies ♥️


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, salamat po sa lahat ng kabutihang tinatanggap namin araw-araw. Turuan Ninyo kaming bumalik sa Inyo hindi lang kapag kami’y humihingi, kundi higit sa lahat kapag kami’y nagpapasalamat. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.