Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayun din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kwento ni Hesus
Ipinakita ni Hesus sa Kanyang mga alagad na ang Kanyang pagdating ay parang panahon ni Noe, kung kailan abalang abala ang mga tao sa kani-kanilang buhay ay di nila napansing dumarating na pala ang baha! Ganoon din daw ang pagdating ng Anak ng Tao, darating Siya sa oras na hindi natin inaasahan. Kaya mahalaga na laging handa ang ating puso, hindi lang sa mga espesyal na araw kundi sa bawat araw ng ating buhay.
“Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.” (Mateo 24:44)
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Nagsisimula na tayong magkabit ng mga Christmas lights at parol. Ang sarap tignan ng mga ilaw na kumukuti-kutitap sa gabi! Minsan, sa sobrang abala natin sa pagpapaganda ng bahay, paghahanda ng mga regalo, at pagpaplano para sa mga party na dadaluhan ngayong panahon ng Pasko ay nakakalimutan nating pagandahin ang ating kalooban lalo na’t sa puso natin maninirahan si Hesus!
🔍 Balikan ang Sarili
Kung dumating si Hesus ngayon, matutuwa ba Siya sa aabutan niyang lagay ng ating puso’t kalooban?
🌟 Aral ni Hesus
Tinuturuan tayo ni Hesus na ang Adbiyento ay panahon ng masayang paghahanda. Bagamat parang nakakatakot ang Mabuting Balita ngayong linggo, ito ay paalala na kung malinis ang ating kalooban sa lahat ng pagkakataon ay hindi tayo mababahala kailan man Siya dumating.
🕯️ Linisin ang puso para kay Hesus. Simulan nating ayusin ang ating sarili para maging komportable si Hesus na manirahan sa atin. Suriin ang puso, kasing ningning ba ito ng mga parol na nakasabit sa bintana? Ano ang mga hakbang upang maging malinis ang puso natin para kay Hesus?
🕯️Paliwanagin natin ang ating puso. Sa bawat pag-gawa ng kabutihan ay tila ilaw na nagliliwanag sa ating kalooban. Sa simpleng pagsunod sa utos ni mama o pagtulong sa kaklaseng nahihirapan sa school, pinaparamdam mo kay Hesus na welcome na welcome Siya sa buhay mo.
🕯️Maging ready palagi. Sanayin na natin ang sarili sa paggawa ng kabutihan ngayon pa lang para hindi tayo magulat sa pagdating Niya. Parang pag-e-empake nang maaga para sa isang masayang bakasyon, hindi ka matataranta pagdating ng panahon ng iyong pag-alis kasi alam mong ready ka na.
🤗Gawa
✅ Gumawa ng tatlong simpleng nabubuting gawain mo ngayong linggo bilang handog kay Hesus.
✅ Humingi ng tawad sa isang nagawan mo ng mali at mag-alay ng dasal para sa taong nahihirapan ngayon.
✅ Kasama ng iyong pamilya, gumawa ng Korona ng Adbiyento at sabay-sabay magdasal.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Hesus, buksan mo ang aking puso upang maging handa para sa Iyo. Tulungan mo akong pumili ng kabutihan araw araw at iwasan ang mga bagay na nakakasakit. Nawa ang aking paghahanda ay maging masaya at tapat na handog para sa Iyo. Amen.