Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Balikan ang mga karanasan mo sa paggawa ng mga group project sa school o kaya ang maging bahagi ng pagsasagawa ng isang malaking programa sa inyong parokya tulad ng fiesta. Maraming meeting, paghahanda at pagsasaayos ng iba’t ibang event para sa komunidad. Pero sa gitna ng mabigat na mga gawain, ang saya ng samahan na puno ng tawanan at kuwentuhan ang nagpapagaan ng lahat. Ganito rin ang kaganapan sa Ebanghelyo ngayong linggo. Isang malaking gawain ang pagmimisyon ngunit gumaan nang kaunti dahil sa pagpapares sa mga hinirang na tagasunod.
📖 Kwento ni Hesus
Nagpadala si Hesus ng 72 tagasunod upang mangaral at pagalingin ang may sakit. Sinabi Niya na marami ang kailangang tulungan, pero kakaunti ang manggagawa. Pinaalalahanan Niya sila na maging matapang at mapayapa upang harapin ang anumang hamon sa kanilang misyon.
“Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.” Lucas 10:2–3
🔍 Balikan ang Sarili
Maihahalintulad mo rin ba ang iyong sarili bilang munting misyonero ni Hesus? Paano?
🌟 Aral ni Hesus
Tinatawag tayong lahat ni Hesus, bata man o matanda, na maging tagapaghatid ng kabutihan at aral Niya sa lahat.
❤️🔥Ang Misyon ay Para sa Lahat. Hindi lamang pari o madre ang misyonero, kundi kahit bata ay maaaring maging saksi ni Hesus. Kapag tumutulong ka sa kaklase mo, o nagdarasal para sa maysakit, ginagampanan mo na ang misyon ni Hesus para sa iyo.
❤️🔥Maghatid ng Kapayapaan. Ang mga sinugo ni Hesus ay dapat maghatid ng kapayapaan. Kapag binabati mo ang iba ng may ngiti kahit hindi mo kilala, dinadala mo ang kapayapaan ng Diyos.
❤️🔥Dala Natin ang Kaharian ng Diyos. Kapag isinasabuhay natin ang mga aral ni Hesus – may malasakit sa kapwa, tumutulong na walang hinihintay na kapalit, nagmamahal kahit sa kaaway– pinapakita natin na narito na ang paghahari ng Diyos.
Kahit sa simpleng paraan, puwede tayong maging kabahagi sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Huwag kang matakot, kasama mo si Hesus!
👐 Gawa
Pag-isipan: Ano ang isang bagay na ginagawa mo na nagpapakita na bahagi ka ng misyon ni Hesus? Pumili ng isa sa mga gawaing ito at subukang gawin ngayong linggo:
✅Magdasal araw-araw para sa mga maysakit at nangangailangan.
✅Maging mas magalang at magpakumbaba sa lahat
✅Magkusang tumulong sa gawaing bahay upang matuwa sina nanay at tatay
Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Anelita Lagbo, OSA ng Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation 😇
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, tulad ng iyong mga naunang tagasunod, sinugo mo akong tulad ng isang kordero sa gitna ng mga asong gubat, bigyan mo ako ng tapang at lakas na maisakatuparan ang iyong misyon ngayon sa bawat oras ng aking buhay. Amen.