Manindigan sa Panig ng Kabutihan

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 12:49-53

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa – at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natutupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.

Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki,
Ang ina at ang anak na babae,
At gayun din ang biyenang babae, at manugang na babae.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Balikan mo ang mga panahong ikaw ay naglalaro ng habulan, agawang base, o langit-lupa. Sa umpisa, pipili ng lider ang bawat grupo, at siya namang pipili ng mga kasama. Minsan, mahirap pumili lalo na kung lahat ng kalaro mo ay malalapit mong kaibigan. Sa paglalaro, nahahati tayo sa magkakaibang grupo at nagtatunggali sa isa’t isa. Minsan pa nga, sa sobrang pagnanais na manalo, nagkakapikunan at nag-aaway pa ang magkakaibigan!

Sa totoong buhay, may mga pagkakataon ding kailangan nating pumili kung alin ang tama kahit mahirap. Parang kapag may kaklase kang inaasar ang isa pa ninyong kaklase—sasama ka ba sa nanunukso o ipagtatanggol mo ang inaapi? Hindi laging madali ang pumili ng tama, pero ito ang hamon ni Hesus sa ating lahat… ang manindigan sa panig ng kabutihan.

📖 Kwento ni Hesus

Sinabi ni Hesus na Siya ay naparito upang magdala ng apoy sa lupa. Ipinaalala Niya na ang pagsunod sa Kanya ay maaaring magdulot ng pagkakaiba ng opinyon at hindi pagkakasundo, kahit sa pamilya. Sa kabila nito, nais pa rin Niya na piliin natin ang katotohanan at kabutihan.

🔍 Balikan ang Sarili

 Handa ka bang pumili ng tama at sumunod kay Hesus kahit mahirap at kahit may tutol sa iyo?

🌟 Aral ni Hesus

Itinuturo ni Hesus na ang pagsunod sa Kanya ay parang apoy na nag-aalab sa ating puso…apoy ng katotohanan, kabutihan, at pagmamahal. Ang apoy na ito ang nagbibigay liwanag at init sa ating buhay, ngunit minsan ay nagdadala rin ito ng mga pagsubok at hindi pagkakaunawaan dahil hindi lahat ay aayon sa kabutihan. Kahit mahirap, nais Niya na manatili tayong tapat sa Kanya.

🔥 Piliin ang Tama Kahit Mahirap. Minsan, may mga kaibigan o kamag-anak na hindi sang-ayon sa iyong paniniwala. Ngunit kapag nanindigan ka sa kabutihan, pinapakita mo kay Hesus na mahalaga Siya sa iyo. Tulad ng sa pagsisimba; obligado tayong mga Katoliko na magmisa tuwing linggo, ngunit maaaring hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay nais sumama. Huwag kang panghinaan ng loob na ayain silang magsimba o magdasal kasama nila. 

🔥 Huwag Matakot sa Pagsubok. Ang apoy ni Hesus ay nagbibigay lakas upang hindi sumuko sa paggawa ng tama. Kung halimbawa ay natutukso kang mandaya sa exam dahil mahirap ang tanong, mas pipiliin mong maging tapat at huwag mangopya ng sagot. 

🔥 Pag-alabin ang Apoy ng Pagmamahal. Ang apoy ni Hesus ay hindi nananakit kundi nagbibigay liwanag at init sa ating kaluluwa. Mas napagniningas ang apoy ng pagmamahal ni Kristo kung ibinabahagi ito sa ating kapwa.

Ang pagsunod kay Hesus ay hindi laging madali, ngunit ang apoy na Kanyang dala ay magbibigay liwanag sa ating landas at magpapatatag ng ating puso. Kapag pinili natin ang tama, napapainit natin ang puso natin sa Kanyang pagmamahal at lalong tayong nagiging kasiya-siya sa Kanyang mga mata. 



👐 Gawa

Ngayong linggo, piliin ang isa o higit pa sa mga gawaing ito:

✅ Magdasal araw-araw para humingi ng lakas na gawin ang tama.

✅ Tulungan ang isang kaklase o kaibigan na nahihirapan.

✅ Sabihin sa isang tao na mahalaga siya kay Hesus.


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, dahil sa aming katapatan sa Iyong mga pagpapahalaga at halimbawa, maaaring makabangga kami ng mga taong may kasalungat na paninindigan. Bigyan Mo kami ng tapang at lakas ng loob upang tularan ang Iyong katapatan, at makabahagi sa Iyong kaluwalhatian magpakailanman. Amen.


Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda

Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda