Maging Tapat sa Maliit at Malaki

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 16:1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’ Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”

At nagpatuloy si Hesus ng pagsasalita, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man ito’y may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?

“Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Napagkakatiwalaan ka ba sa mga simpleng bagay ng iyong magulang o guro? Halimbawa, iniwan ka ng guro para bantayan ang silid-aralan habang siya ay lalabas nang saglit. O kaya naman, inutusan ka ni Mama na magsaing ng kanin bago maghapunan. Kapag ginawa mo ito nang maayos, natutuwa sila at mas lalo ka nilang pinagkakatiwalaan sa iba pang mas malaki at mahalagang bagay o gawain. Pero kung pabaya ka, baka sa susunod ay hindi ka na pagtiwalaang muli! 

📖 Kwento ni Hesus

Ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang katiwala na tinanggal sa trabaho dahil hindi siya tapat. Bago siya tuluyang mawalan ng hanapbuhay, gumamit siya ng diskarte para makuha ang loob ng mga tao. Pinuri siya ng amo, hindi dahil sa panlilinlang niya, kundi dahil ginawan pa rin niya ng paraan na gawin ang trabaho niya at isalba ang kanyang sarili.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko naipapakita sa mga nakatatanda na ako ay mapagkakatiwalaan nila sa maliit o malaking bagay o gawain?

🌟 Aral ni Hesus

Sa talinghagang ito, hindi tinuturo ni Hesus na tularan ang pandaraya, kundi ang talino at kahandaan ng katiwala. At higit pa rito, pinaaalala Niya na ang tunay na yaman ay ang tiwala ng Diyos.

👉Maging tapat kahit walang nakakakita. Kapag tinutupad natin ang simpleng tungkulin, tulad ng pagsasabi ng totoo at paggawa ng tama, natututo tayong maging tapat sa mas malaking bagay.

👉Gamitin ang ating yaman para makatulong. Ang pera, oras, at talento ay regalo ng Diyos. Kung marunong tayong magbahagi, nagiging puhunan ito para sa buhay na walang hanggan.

👉Piliin ang Panginoon nang higit sa lahat. Hindi puwedeng sabay na mahalin ang Diyos at ang pera. Kung ang Diyos ang uunahin natin, matatanggap natin ang tunay at pinakamahalagang kayamanan—ang Kanyang pagmamahal at buhay na walang hanggan sa piling Niya.

🤲 Gawa

Ngayong linggo, isipin mo: Paano ako magiging tapat at responsable?

✅ Gawin agad ang utos ni Mama o Papa.

✅ Sabihin ang totoo kahit mahirap.

✅ Isinauli ang hiniram na gamit sa takdang oras.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Fr. Alwen Jimenez mula sa Our Lady of the Peace Mission – Diocese of San Carlos ❤️

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines


🙏 Panalangin

♱ Amang Diyos, tulungan Mo po ako na gamitin sa mabuti ang mga pagkakataon araw-araw. Turuan Mo akong maging tapat kahit sa maliliit na bagay, para maging handa ako sa malaking biyaya na inihanda Mo sa langit. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon