Isang Kaharian ng awa at Pag-asa

Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari
Lucas 23: 35-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nilibak si Hesus ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “ Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na bang kutyain o pagtawanan ng mga kaklase mo kahit wala kang ginawang masama? Masakit, hindi ba? Parang gusto mo na lang umiyak o magtago. Paano pa kaya si Hesus, na kinutya, pinahirapan, at ipinako sa krus, gayong wala Siyang kasalanan? Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, pinili Niya pa ring magpatawad at magmahal. Ang Hari ng Sanlibutan ay hindi gumanti, kundi nag-alay ng awa at pag-asa. Mapalad ang naniniwala sa Kanya, dahil tulad ng magnanakaw na nagsisi, isasama rin Niya tayo sa Kanyang kaharian ng pag-ibig.

📖 Kwento ni Hesus

Habang si Hesus ay nakapako sa krus, pinagtatawanan Siya ng mga pinuno, kawal, at isa sa mga salaring kasama Niya. Ngunit ang isang kriminal ay kinilala si Hesus na walang kasalanan at nagsumamo sa Kanya…

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko maipapakita ang awa at pagmamahal ni Hesus sa iba?

🌟 Aral ni Hesus

Ang tunay na kaharian ni Hesus ay hindi kapangyarihan sa lipunan o yamang materyal, kundi sa awa, pagpapatawad, at pag-ibig. Siya ang Hari ng mga puso na marunong umunawa at magpatawad kahit sa gitna ng paghihirap.

👑 Si Hesus ay Hari ng Awa. Sa halip na gumanti sa mga nanakit sa Kanya, sila’y pinatawad Niya. Kapag may nanakit sa atin, maaari rin tayong magpatawad tulad ni Hesus. Ang awa ay hindi kahinaan, kundi tanda ng pusong malakas at mapayapa.

👑 Ang Kaharian ni Hesus ay Kaharian ng Pag-ibig. Ang Kanyang trono ay hindi gawa sa ginto, kundi sa krus. Kapag marunong tayong magmahal kahit mahirap o nakakasakit, nagiging bahagi tayo ng Kanyang kaharian.

👑 May Pag-asa sa Awa ng Diyos. Tulad ng magnanakaw na kasama niyang ipinako sa krus, palaging may pagkakataon tayong manumbalik sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo at naniniwala sa Kanya, buong puso Niya tayong tatanggapin sa Kanyang kaharian.

🤗Gawa

✅ Humingi ng tawad sa isang taong nasaktan mo at manalangin para sa taong nakasakit sa iyo.
✅ Gumuhit ng korona at sa loob nito ay isulat ang mga kabutihang gusto mong ialay kay Hesus.
✅ Magpasalamat sa Diyos sa bawat araw sa pamamagitan ng isang simpleng panalangin ng pasasalamat.


🙏 Panalangin

+ Panginoong Hesus, aming Hari ng pag-ibig at awa, salamat sa Iyong kabutihan at pagpapatawad. Turuan Mo kaming magmahal tulad Mo, at maging tapat na tagasunod sa Iyong kaharian ng kapayapaan at pag-asa. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay