Isang hamong isabuhay ang mga Pagpapahalagang Nakapaloob sa mga Kautusan

lka-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mateo 5:17-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.

“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo sa tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

“Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

“Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisita sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kuwento ni Hesus

Sa Mabuting Balita, itinuro ni Hesus na ang tunay na pagsunod sa kautusan ay nagsisimula sa ating mga puso. Hindi sapat na hindi tayo nakakasakit ng kapwa; nais ni Hesus na maging malinis din ang ating isip at pananalita. Ipinaliwanag Niya na ang bawat utos ng Diyos ay dapat nating tuparin nang may katapatan at pagmamahal upang tayo ay maging karapat-dapat sa Kanyang kaharian.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Nakakita ka na ba ng karatulang “Bawal tumawid dito”? Ano ang gagawin mo kapag kailangang-kailangan mo ng tumawid? O kaya naman, sinabihan ka ni Nanay na magtira ng pagkain para sa iyong kapatid pero gutom na gutom ka na. Marami tayong mga tuntunin sa bahay at paaralan na ginawa ng mga nakatatanda upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan. Pero alam mo ba na may mga kautusan din ang Diyos na kailangan nating sundin upang maging mabuting tao? Sa “Sermon sa Bundok,” binibigyan tayo ni Hesus ng gabay kung bakit mahalagang isabuhay ang kabutihan nang buong puso, hindi lang dahil sa takot sa parusa.

🔍 Balikan ang Sarili

Sumusunod ba ako sa mga utos ng Diyos nang buong puso, at totoo ba ang aking salita at pangako sa kapwa?

🌟 Aral ni Hesus

Tinatawag tayo ni Hesus na sundin ang mga utos hindi dahil sa takot, kundi dahil sa pagmamahal. Kapag malinis ang loob, mas nagiging madali ang paggawa ng mabuti.

❤️‍🔥 Ang tunay na kabanalan ay nagsisimula sa paggalang at kabutihang-loob. Kapag iniiwasan natin ang galit at masasakit na salita, pinipili nating pahalagahan ang buhay at damdamin ng kapwa, tulad ng pagpili ng mahinahong pananalita kahit naiinis tayo sa kaklase.

❤️‍🔥 Ang pakikipagkasundo ay tanda ng tapang at kababaang-loob. Mas dakila ang marunong humingi ng tawad at makipag-ayos, gaya ng paglapit sa kaibigan matapos ang tampuhan bago maglaro muli.

❤️‍🔥 Dapat katotohanan lamang na nababalot sa pagmamahal ang mga salitang ating sinasambit sa iba. Kung tayo ay magiging tapat sa ating mga salita, ang mga ito ay nagiging liwanag sa iba, tulad na lamang ng pag-amin kapag nagkamali, at pagtupad sa mga pangakong binibitiwan.

🍎 Panoorin natin sina Sabrina Khate Sarabia at Leescel Anne Mendoza sa kanilang pagninilay sa Mabuting Balita ngayong Linggo. Sila ay mula sa Sister Maria Carmela Brescia School ng Novaliches. 😇

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Magpraktis ng mahinahong pananalita kapag nakakaramdam ng inis o galit.

✅ Tuparin ang simpleng pangako na binitawan mo ngayong linggo.

✅ Humingi ng tawad o makipag-ayos sa taong iyong nakagalit.


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, tulungan Mo po akong maging tapat sa Iyong mga utos nang may buong pagmamahal. Turuan Mo po ang aking pusong maging malinis at ang aking dila na laging magsabi ng totoo at mabuti sa aking kapwa. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw ng Paghahanda

Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda