Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayun din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Kuya Hesus
Sa gitna ng takot ng mga alagad na nakakulong sa isang bahay, biglang dumating si Kuya Hesus at binati sila ng kapayapaan. Ipinakita Niya ang Kanyang mga sugat upang patunayan na Siya ay muling nabuhay at tunay na kasama nila. Pagkatapos, hiningahan Niya sila upang tanggapin ang Espiritu Santo at binigyan sila ng misyong magpatawad ng mga kasalanan sa mundo.
“Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo. Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.” Juan 20:21-23
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Ano ang kinatatakutan mo? Ang iba takot sa ipis! Ang iba naman takot sa dilim o makulong sa maliliit na kuwarto. Ang iba naman takot sa multo! Ano ang ginagawa mo kapag nakakaramdam ka ng takot? Nagdadasal o tumatakbo papalayo… o kaya, nagtatago? Ganito rin ang nangyari sa mga apostoles ni Kuya Hesus noong araw na iyon; nagkulong sila sa isang kwarto dahil sa takot nila sa mga Judio. Bukod sa takot ay labis ang kanilang pagsisisi, kalungkutan at kahihiyan sa pagtalikod nila kay Kuya Hesus nung Siya’y mamatay.
🔍 Balikan ang Sarili
Paano mo pina-papayapa ang iyong sarili kapag ikaw ay natatakot?
🌟 Aral ni Kuya Hesus
Maraming situwasyon sa ating buhay ang nagdudulot ng pagkatakot. Ano pa man ang ating ikinatatakot, ikulong man natin ang ating sarili o tumakbo, nariyan si Kuya Hesus upang ibsan ang nararamdaman nating takot. Handog ni Kuya Hesus sa atin ang kapayapaan at ang Espiritu Santo upang tayo’y gabayan at tulungang malagpasan ang anumang unos na dumadating sa ating buhay.
🔥 Dumarating si Hesus kahit tayo ay natatakot at nagtatago. Kahit isara pa natin ang “pinto” ng ating puso dahil sa takot o hiya, kayang pumasok ni Hesus at abutin tayo. Halimbawa, kapag nagkamali ka at nahihiyang magsabi ng totoo, tandaan na hindi ka iiwan ni Kuya Hesus at handa ka niyang tulungan maging matapang muli.
– Binigay ni Kuya Jesus ang Espirit Santo sa atin upang tayo ay maging matapang at malakas ang loob na sundin Siya. Sa ating pagkakamali at pagiging mahiyain o takot na magsabi ng totoo, lagi nating tandaan si Kuya Hesus ay kasama natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo na tinanggap natin sa Binyag. Tutulungan Niya tayo maging matapang.
🔥Ang Espiritu Santo ang ating “Power Up” upang magawa natin ang mabuti at ang misyong ibinigay ng Diyos. Binigyan tayo ni Kuya Hesus ng Espiritu Santo para magkaroon tayo ng lakas ng loob na sumunod sa Kanya at maglingkod sa kapwa kahit tayo ay bata pa. Maipapakita mo ito sa pamamagitan ng pagtatanggol sa kalarong binu-bully o sa pagiging masunurin sa utos ng magulang nang may ngiti sa labi.
🔥Ang Espiritu Santo ay parang ating “pampalakas” (Power Up) na tumutulong sa atin na gumawa ng mabubuting bagay at tuparin ang misyon na ibinibigay ng Diyos sa atin.
Ipinapakita natin ito kung tumutulong tayo sa kaklase na tinukso o binully o pagsunod sa utos ng ating mga magulang na may ngiti sa labi.
🔥Ang pagpapatawad ay isang espesyal na regalo na dapat nating gamitin upang tayo ay manatili sa piling ng Panginoon. Ibinigay ni Kuya Hesus ang kapangyarihang magpatawad sa Simbahan kaya dapat nating pahalagahan ang Sakramento ng Kumpisal, lalo na’t likas sa atin ang maging mahina at magkasala. Ugaliin nating humingi ng tawad sa mga taong nasaktan natin at huwag matakot lumapit sa pari para magkumpisal upang gumaan ang ating pakiramdam at muling makabalik sa yakap ng Diyos.
👦🏽👧🏽Munting Gawain
✅ Magdasal ng “Halina, Espiritu Santo” bago simulan ang iyong pag-aaral o kapag ikaw ay nakakaramdam ng takot.
✅ Mag-isip ng isang nagawang mali ngayong linggo at humingi ng tawad sa Diyos at sa taong nasaktan mo, at kung maaari ay magplano nang magkumpisal sa susunod na pagkakataon sa simbahan.
✅ Kaarawan din ngayon ng Simbahan! Gumawa ng “Happy Birthday” card para sa simbahan at ilagay ang panalangin mo para sa simbahan.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Kuya Hesus, salamat po sa Iyong kapayapaan na nagpapalayas sa aming mga takot. Gabayan Mo po kami sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang maging matapang kaming saksi ng Iyong pag-ibig at laging handang magpatawad sa aming kapwa. Amen.