Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinulong sa inyo ay inyong ipagsigawan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi nakapapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo’y ang nakapapatay ng kaluluwa at katawan, sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo’y bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa libu-libong maya.
“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Pinalakas ni Kuya Hesus ang loob ng Kanyang mga apostol sa pamamagitan ng pagpapaalala na huwag silang matakot sa sasabihin ng ibang tao. Sinabi Niya na kung ang maliliit na ibon ay inaalagaan ng Diyos Ama, lalo na tayong mga tao na bilang pati ang bawat hibla ng buhok. Hinahamon tayo ni Kuya Hesus na kilalanin Siya nang may katapangan sa harap ng lahat upang kilalanin din Niya tayo sa kaharian ng langit.
“Huwag kayong matakot sa mga tao. Walang natatago na di malalantad o nalilihim na di mabubunyag.” Mateo 10:26
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Naranasan mo na bang sumali sa isang pa-contest sa school? Pwedeng singing contest o kaya paggandahan ng artwork o math contest kaya? Ano ang nararamdaman mo kapag papalapit na ang contest na ito? Gaano ka man kahanda o gaano man kalalim ang iyong pagsasanay, ay makakaramdam ka pa rin ng takot. Saan ka humuhugot ng lakas para maibsan ang takot na iyong nararamdaman? Ang iba ay sa suporta ng ating teacher o mga kaibigan, ang iba naman ay sa tulong ng mga magulang, at ang iba ay sa pagdarasal. Sa misyong ibinigay ni Kuya Hesus, pinalakas Niya ang ating loob sa pagsasabing laging nasa tabi natin ang Ama.
🔍 Balikan ang Sarili
Paano ko ipinapahayag ang misyon ni Kuya Hesus sa mundo kahit sa harap ng maraming tao?
🌟 Aral ni Hesus
Itinuturo ni Kuya Hesus na ang tunay na katapangan ay nagmumula sa pagtitiwala sa pagmamahal ng Diyos. Kapag alam nating mahalaga tayo sa Kanya, nagkakaroon tayo ng lakas na panindigan ang tama kahit sino pa ang nakatingin.
♥️ Ipagmalaki ang iyong pananampalataya nang may kagalakan sa lahat ng pagkakataon. Sa halip na ikahiya o itago ang pag-aanda ng krus, gawin ito nang maayos at may paggalang bilang tanda na ikaw ay kaibigan ni Kuya Hesus. Maipakikita mo rin ito sa pamamagitan ng pagdarasal bago kumain kahit nasa canteen ka o nasa labas kasama ang ibang tao.
♥️Gamitin ang Salita ng Diyos sa tamang paraan upang makapagbigay ng inspirasyon sa iba. Siguraduhin na ang mga bible verses na pino-post mo sa social media o ibinibahagi sa mga kalaro ay naglalayong magbigay ng pag-asa at pag-ibig, hindi para mang-away o magparinig. Ang paggamit ng Bibliya para sa kabutihan ay isang magandang paraan ng pagpapahayag na kinikilala mo ang Panginoon sa harap ng mga tao.
♥️Manatiling matatag sa paggawa ng mabuti dahil laging nakabantay at nag-iingat ang Diyos sa iyo. Huwag kang mawawalan ng pag-asa kung minsan ay pagtawanan ka dahil sa pagiging tapat o masunurin; tandaan na mas mahalaga ang tingin ng Diyos sa iyo kaysa sa panunukso ng iba. Humingi ng tulong sa panalangin upang maging matapang na piliin ang tama kahit na parang ikaw lang ang gumagawa nito sa iyong grupo.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Bago kumain sa pampublikong lugar, hayagang magdasal ng blessing bago kumain.
✅ Maging matapang sa pagsasabi ng totoo o pagtatanggol sa isang kalaro na binu-bully o tinutukso ng iba.
✅ Ibahagi ang isang paborito mong kuwento tungkol kay Kuya Hesus sa isang kaibigan o kapamilya ngayong linggo.
🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo mula sa dalawang pagninilay na handog ng St. Paul School of Medellin kasama si Amelia at Mary Julian.
Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines 🙏
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Kuya Hesus, salamat po sa pagpapaalala na ako ay mahalaga sa Iyong paningin. Tulungan Mo po akong maging matapang na ipahayag ang Iyong pag-ibig sa lahat at huwag matakot na gumawa ng tama sa bawat araw. Amen.