Dinirinig ng Diyos ang Panalangin ng mga Pusong Mapagpakumbaba

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 18:9-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang maktingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Marahil nagkaroon ka na ng kaklaseng mahilig ipagmalaki at ibida ang kanilang mga project sa guro. “Maganda po ang project ko, Ma’am! Pinagpuyatan ko ‘yan nang husto!” kasabay ng pabirong kantiyaw sa kaklase, “di tulad ng iba diyan…”. Pero meron din naman tayong mga kaklase na tahimik lang sa isang tabi at hindi ibinibida ang gawa, hinahayaan lang na makita ng teacher ang proyekto. Tila may pagkakahawig ang sitwasyong ito sa Ebanghelyo ngayong linggo tungkol sa talinghaga ni Hesus sa dalawang nagdarasal. 

📖 Kwento ni Hesus

Nagkuwento si Hesus ng talinghaga tungkol sa dalawang lalaking pumunta sa templo para manalangin: ang isa ay Pariseo na tinuturing na kagalang-galang at “maka-Diyos”, at ang isa naman ay publikano, kolektor ng buwis na kinaiinisan ng mga tao. Sa kanyang pagdarasal, ipinagmalaki ng Pariseo ang kanyang sarili at hinuhusgahan ang publikano, samantalang ang publikano naman ay nagpakumbaba at humingi ng awa sa Diyos. Ipinahayag ni Hesus na ang publikano ang kinalugdan ng Diyos.

🔍 Balikan ang Sarili

Kapag ikaw ay nagdarasal, ibinibida mo ba ang iyong mga nagawang kabutihan o mapagkumbabang dumudulog at nagpapasalamat sa Diyos?

🌟 Aral ni Hesus

Itinuturo sa atin ni Hesus na mas kaaya-aya sa Diyos ang mga taong mapagkumbabang nagdarasal. Kaya dapat tayong magpakumbaba at umamin sa ating mga kahinaan.

🙏 Pusong mapagpakumbaba. Kapag nananalangin tayo, sabihin natin sa Diyos sa tapat at simpleng paraan ang laman ng ating puso.. Tulad ng publikano sa kuwento, marunong siyang magtiwala at umasa sa kabutihan ng Diyos. Sa ganitong pagpapakatotoo tayo nating mas nararamdaman ang Kanyang pagmamahal.

🙏 Pusong marunong umunawa sa kahinaan ng iba. Sa halip na husgahan ang kapwa, piliin nating unawain at tulungan sila. Kapag may nagkamali, maaari nating ipanalangin na matulungan sila ng Diyos na magbago. Sa ganitong paraan tayo nagiging daan ng awa at kabutihan.

🙏 Pusong handang magbagong-buhay. Ang tunay na lakas ay nasa kakayahan nating humingi ng tawad at magsimulang muli kapag tayo’y nawawala sa landas ng kabutihan. Kapag nagkamali tayo, lumapit tayo sa Diyos at magtiwala na tutulungan Niya tayong maging mas mabuti araw-araw.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Sa loob ng isang linggo, iwasan ang pagpuna o paghuhusga sa mga pagkakamali ng mga nakapaligid sa iyo. 

✅ Bago matulog, aminin sa Diyos ang isang pagkakamaling nagawa mo sa araw na iyon at humingi ng tawad. 

✅ Kapag may nakagawa kang mabuti, magpasalamat sa Diyos at huwag ito ipagyabang sa iba.


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, tulungan po Ninyo akong maging mapagpakumbaba. Linisin Ninyo ang aking puso at pagkalooban Ninyo ako ng lakas na aminin ang aking mga pagkakamali. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon