Darating ang Panginoon Upang Panibaguhin ang ating Buhay

Ika-3 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Mateo 11:2-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kanyang mga alagad at ipinatanong sa kanya, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Hesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang inyong narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”

Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Bakit kayo lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita? Isang taong may maringal na kasuutan? Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, higit pa sa propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan: ‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo: sa mga isinilang, wala pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos at dakila kaysa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kwento ni Hesus

Si Juan Bautista ay nakakulong at nais niyang makatiyak kung si Hesus nga ba ang ipinangakong Tagapagligtas. Kaya nagpadala siya ng mga alagad upang magtanong kay Hesus. Sinabi ni Hesus na tingnan nila ang mga himalang nangyayari at ang Mabuting Balita na ipinangangaral sa mga dukha. Ito ang patunay na dumating na ang Mesiyas.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Magalak at malapit na ang Pasko! Ngayon ay ikatlong linggo ng Adbiyento at ang sisindihan natin ay ang kulay rosas na kandila. Excited ka na ba sa pagsapit ng araw ng pagsilang ng Panginoon o may hinihintay ka pang iba? Naniniwala ka ba sa himalang pagbabago na hatid ng Panginoon sa ating buhay? Minsan dahil sa tingin natin ay hindi dinidinig ng Panginoon ang ating mga panalangin ay iniisip natin na hindi Niya tayo mahal. Napapagod tayo at minsan ay nagtatampo.

Maraming propesiya ang nakasulat sa Bibliya at minsan mahirap ito unawain. Sa dami nila, nalilito ang mga tao kung paano ito tumutugma sa kanilang buhay. Sa Ebanghelyo ngayong linggo, tila sinisiguro ni San Juan Bautista na si Hesus nga ang ipinangakong Tagapagligtas, ngunit hindi Siya dumating ayon sa inaasahan ng marami.

🔍 Balikan ang Sarili

Ano ang ginagawa mo kapag nalilito ka kung naririnig ka ba ni Hesus o kapag natatagalan ka sa Kanyang sagot?

🌟 Aral ni Hesus

Tinuturo ni Hesus na Siya ay laging kumikilos kahit hindi natin agad napapansin. Inaanyayahan Niya tayong magtiwala at hindi agad panghinaan ng loob.

♥️ Totoo ang presensya ni Hesus sa mga pagbabago at himala sa ating buhay. Kahit sa mga maliit na himala, kabutihan o tulong mula sa ating kapwa ay paraan ni Hesus upang ipadama ang Kanyang pagmamahal. Halimbawa, kapag nalampasan mo ang isang pagsubok o may tumulong sa iyo sa oras na ika’y hirap na hirap, kahit ito’y sa pakikinig lang sa iyong problema… ito ay tanda na nagpapadala Siya ng tutulong sa atin sa pamamagitan ng ating kapwa. 

♥️ Si Hesus ay hindi dumating bilang haring may maringal na kasuotan sa isang palasyo kundi isang mapagkumbabang guro. Buong pagpapakumbaba Siyang ipinanganak sa sabsaban upang ipakita na kaisa Siya sa atin bilang tao. Ganun din naman kapag marunong tayong magpakumbaba, mas madali nating naiintindihan ang aral Niya at nagagawa natin ang kabutihan kahit mahirap.

♥️ Minsan iba ang sagot ni Hesus sa ating dasal ngunit laging para ito sa ating higit na ikabubuti. Kapag tila walang sagot ang ating dasal, maaaring tinuturuan Niya tayong maghintay, magtiwala, o makakita ng mas magandang landas. Halimbawa, kung hindi mo agad makuha ang gusto mo, baka may mas mabuting plano ang Diyos para sa iyo.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Maglista ng tatlong himala o biyayang naranasan mo ngayong linggo.

✅ Gumawa ng isang simpleng kabutihan na hindi mo inaasahang gantihan.

✅ Magdasal tuwing gabi at sabihin kay Hesus ang isang bagay na gusto mong pagandahin sa iyong puso.


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, palakasin mo ang aming pananampalataya upang makita namin ang kabutihan mo sa araw araw. Turuan mo kaming magtiwala kahit hindi agad malinaw ang sagot sa aming mga dasal. Samahan mo kami habang naghahanda sa pagdating mo ngayong Pasko.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.