Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
May kaibigan ka na bang sobrang iba sayo? Maingay siya, ikaw ay tahimik. Mahilig siyang tumakbo, ikaw naman ay mahilig magbasa. Pero kahit magkaiba kayo, pareho kayong mabait, mapagbigay, at mapagmahal. Sa totoo lang, maraming pagkakaibigan ang nabubuo sa kabila ng pagkakaiba! Gaya nina San Pedro at San Pablo, iisa ang puso nila sa pagmamahal kay Hesus.
📖 Kwento ni Hesus
Tinanong ni Hesus ang Kanyang mga alagad, “Sino Ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Pinuri siya ni Hesus dahil ang sagot niya ay galing mismo sa Diyos. Ipinangako ni Hesus na itatayo Niya ang Simbahan sa pananampalataya ni Pedro at ibibigay sa kanya ang mga susi ng langit.
“Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” Mateo 16:19
🔍 Balikan ang Sarili
Sino si Hesus para sa iyo? Paano mo Siya ipinakikilala sa iba?
🌟 Aral ni Hesus
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na kahit magkaiba ang tao, puwedeng magkaisa sa pagmamahal at pananampalataya kay Hesus.
😇Pakinggan ang Diyos. Si Pedro ay nakasagot ng tama dahil nakinig siya sa Diyos. Tulad niya, matututo rin tayong sumagot ng may pananampalataya kung makikinig tayo sa panalangin at Salita ng Diyos.
😇Magkaibang Gawain, Iisang Misyon. Iba ang pinanggalingan at estilo nina Pedro at Pablo, pero pareho silang naglingkod kay Hesus. Katulad nila, bawat bata ay may kanya-kanyang talento para sa iisang layunin—ang mahalin at paglingkuran si Hesus.
😇Pagtitiwala sa Kahinaan. Kahit may pagkakamali, nagamit ni Hesus si Pedro at Pablo para sa Kanyang Simbahan. Kahit tayo’y mahina, puwede tayong gawing bayani ng Diyos sa simpleng kabutihan at pagsasabuhay ng Kanyang mga aral.
Tunay ngang mahalaga ang bawat puso na tapat sa Diyos, kahit iba-iba tayo ng ugali, kinalakihan at kwento, ang mahalaga’y iisa ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Panginoon!
👐 Gawa
Pag-isipan: Sa anong paraan mo ipinakikita ang pagmamahal mo kay Hesus? Subukan ang isa sa mga gawaing ito ngayong linggo:
✅Manalangin araw-araw kahit sandali para marinig ang Diyos.
✅Gumawa ng kabutihan kahit sa taong hindi mo ka-close.
✅Sabihin mo sa isang kaibigan kung bakit mahal mo si Hesus.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Ama, nagpapasalamat kami sa Iyo at binigyan Mo ang Iyong Simbahan ng mga pinunong tulad nina Pedro at Pablo. Sa aming mga paghihirap at kahinaan, gabayan nawa kami ng kanilang mga panalangin tungo sa katapatan at pagmamahal sa Iyong Simbahan, sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!