Buksan ang Mata at Palad sa Kabutihan

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 16: 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narinig ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na bang magkaroon ng kaklase na nahihirapan sa project o sa lesson? Siyempre gusto mong matapos kaagad ang sarili mong gawain kaya posibleng maisip mo, “Bahala na siya!” Naku! Paano naman kung ikaw naman ang mahirapan o mangailangan ng tulong sa susunod? Anong mararamdaman mo kung walang tutulong sa’yo? Mas nakakagaan ng pakiramdam ang tumulong sa kapwa. Para itong liwanag at biyayang di nauubos, bagkus dumadami pa kapag ipinamamahagi sa iba.

📖 Kwento ni Hesus

Ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang mayamang sagana sa lahat, at isang pulubing si Lazaro na naghihirap sa labas ng pintuan. Nang sila ay parehong namatay, si Lazaro ay napunta sa langit, habang ang mayaman ay naghirap sa impiyerno. Ipinaalala ni Hesus na habang buhay pa ang isang tao ay mas mabuting tumulong at magpakabuti dahil kapag binawian na ng buhay ay wala ng pag-asa pang magbago. 

🔍 Balikan ang Sarili

Handa ka bang tumulong sa iyong kapwa ngayon o naghihintay ka pa ng bukas?

🌟 Aral ni Hesus

Tinuturo sa atin ni Hesus na huwag maging manhid sa pangangailangan ng iba. Ang tunay na yaman ay nasusukat sa buong pusong pagbibigay natin ng tulong sa iba. 

❤️‍🔥Buksan ang puso at palad sa nangangailangan. Tulad ni Lazaro na nakahandusay sa pintuan ng mayaman, baka may kaklase o kapitbahay ka na tahimik lang pero may pangangailangan. Kapag pinansin mo sila at tumulong, natututo kang maging tunay na kaibigan ni Hesus.

❤️‍🔥Huwag ipagpabukas ang paggawa ng kabutihan. Gawin ang magagawa ngayon. Hindi natin alam ang hinaharap. Kaya’t kung may pagkakataon ay isabuhay natin araw-araw ang kabutihan. Magsimula sa maliliit na gawain tulad ng pagbati, pag-ngiti at pangungumusta sa mga nakakasalamuha. 

❤️‍🔥 Isabuhay ang mga pangaral sa Bibliya. Sinabi ni Abraham na sapat na ang turo ni Moises at ng mga propeta. Para sa atin, ito ang Salita ng Diyos sa Bibliya at ang mga turo ng Simbahan. Kapag isinabuhay natin ito, nakakaiwas tayo sa maling landas at natututo tayong magmahal tulad ni Hesus.

👐 Gawa

Ngayong linggo, isipin mo kung paano magiging mas mabuti sa nangangailangan:

✅ Magbahagi ng pagkain o gamit sa kaklase o kaibigan.

✅ Magdasal para sa mga taong walang tirahan o pagkain.

✅ Magbasa ng kwento sa Bibliya at ikuwento sa kapatid o kaibigan.


🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, buksan Mo ang aking mata upang makita ang nangangailangan, at palakasin Mo ang aking loob na tumulong kahit sa maliit na paraan. Turuan Mo akong maging bukas-palad araw-araw, upang sa aking mga gawa ay maramdaman ng iba ang Iyong pag-ibig.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon