Ang Pagmamahal na Walang Hangganan

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 10:25-37

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, may isang eskribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” Tumugon siya, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip’; at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus. “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”

Sa hangad ng eskriba na huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, tinanong niya uli si Hesus, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Hesus: “May isang taong naglalakbay buhat sa Jerusalem, patungong Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati damit sa katawan, binugbog at halos patay na nang iwan. Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya ito at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinarang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon. Kinabukasan, dumukot siya ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung magkano man ang kakulangan niyan, babayaran ko sa aking pagbabalik.’ Sino ngayon sa palagay mo ang nagpakita ng kanyang pakikipagkapwa sa taong hinarang ng mga tulisan?” tanong ni Hesus. “Ang nagpakita ng habag sa kanya,” tugon ng eskriba. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Humayo ka’t gayun din ang gawin mo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Sino ang Aking Kapwa? Madaling magmahal ng mga taong malapit at nakapaligid sa atin—tulad ni nanay, tatay, mga kapatid, at kaibigan. Pero paano kung hindi natin sila kilala? O kaya naman, mga taong nakasakit sa atin o mga kaaway? Minsan kung may mangyari sa kanilang masama tulad ng nawalan ng gamit o nadapa, parang gusto pa nga nating sabihing, “Buti nga!” o “Karma mo ’yan!” Pero, iyan ba talaga ang gusto ni Hesus?

📖 Kwento ni Hesus

Isang eskriba ang nagtanong kay Hesus kung paano makakamit ang buhay na walang hanggan. Sinabi ni Hesus na mahalin ang Diyos at ang kapwa. Nang tanungin kung sino ang “kapwa,” nagkuwento si Hesus tungkol sa isang lalaking hinarang at binugbog ng tulisan. Isang pari at isang Levita ang nakakita sa kanya ngunit umiwas sa pagtulong. Samantalang isang Samaritano na kaaway ng mga Hudyo, ang huminto para bigyan siya ng paunang lunas at dalhin sa bahay-panuluyan.

🔍 Balikan ang Sarili

Tumutulong ka ba sa kapwa kahit hindi sila mabait sa’yo o hindi mo kilala?

🌟 Aral ni Hesus

Tinanong ng eskriba si Hesus kung paano magkakamit ng buhay na walang hanggan, at ang sagot ay malinaw: mahalin ang Diyos at ang kapwa. Pero hindi lang ito dapat nasa isip at salita, kundi dapat din sa gawa. Sa talinghaga ng Mabuting Samaritano, inilarawan ni Hesus sa atin kung paano magmahal ng kapwa na di namimimili at walang hangganan.

❤️ Ang tunay na pagmamahal ay hindi namimili. Ang Samaritanong tumulong ay mula sa isang lahing kinamumuhian ng mga Hudyo, pero siya pa ang nagpakita ng malasakit. Hindi niya inisip kung kaano-ano niya ang sugatang lalaki; ang nakita niya ay isang taong nangangailangan ng tulong. Gaya nito, kahit hindi natin ka-close ang isang kaklase o kahit medyo iba ang ugali niya, puwede pa rin natin siyang samahan o tulungan kapag may problema siya.

❤️ Gawa, hindi lang awa. Hindi sapat na maawa lang tayo—dapat may aksyon. Ang Samaritano ay hindi lang nahabag; nilinis niya ang sugat, isinakay sa kanyang alagang hayop, at binayaran pa ang panuluyan. Ganoon din tayo: kapag may batang nahulog ang gamit sa hallway, hindi lang natin siya titingnan—dapat lapitan, tulungan pulutin ang gamit, at tanungin kung ayos lang siya.

❤️ Ang pagmamahal sa Diyos ay naipapakita sa pagmamalasakit sa kapwa. Sabi nga, nababakas ang mukha ni Hesus sa ating kapwa. Kapag tayo’y tumutulong, nagpapatawad, o nagpapakita ng kabutihan, para na rin nating ginagawa ito para kay Hesus. Halimbawa, kapag may kaibigan tayong nakagawa ng mali at hindi sinasadyang masaktan tayo, piliin nating magpatawad kahit masakit—dahil tinutularan natin si Hesus.

Ang pagmamahal na walang hangganan ay hindi nagtatanong kung sino ang tutulungan, bagkus, kusa itong gumagawa ng kabutihan para sa kahit sino. Sa ganitong paraan, sinisimulan na natin dito sa lupa ang buhay na walang hanggan na ating inaasam.

👐 Gawa

Ngayong linggo, piliin mong maging “Mabuting Samaritanong bata” sa iyong paligid:

✅Tumulong sa isang kaklaseng nahihirapan kahit hindi mo siya close.
✅Ipagdasal na matuto magpatawad ng kaaway.
✅Gumawa ng liham o card para pasayahin ang isang malungkot na kapitbahay


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, ikaw ang Dakilang Mabuting Samaritanong kumalinga sa sangkatauhang naakit ng kasamaan at kasalanan. Kahabagan mo kaming lahat at gawin kaming kasangkapan ng iyong mahabaging pagmamahal. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.