Ang Pag-asang Nagpupuno sa atin ng Liwanag

Araw ng mga Kaluluwa
Juan 6:37-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan 

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama. At hindi ko itataboy ang sinumang lumapit sa akin. Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: huwag kong pabayaang mawala kahit isa sa mga ibinibigay niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng makakita at manalig sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila’y muli kong bubuhayin sa huling araw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na bang mawalan ng mahal sa buhay? Nakakalungkot, ‘di ba? Hindi mo na sila makakausap o mayayakap tulad ng dati. Pero alam mo, hindi roon nagtatapos ang lahat. Si Hesus ay nangako na ang mga sumasampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Kaya kahit malungkot, may pag-asa tayo—na balang araw, makakasama nating muli ang ating mga mahal natin sa buhay sa piling ng Diyos.

📖 Kwento ni Hesus

Sinabi ni Hesus na ang lahat ng ibinibigay sa kanya ng Diyos Ama ay hahayaan niyang makalapit sa Kanya at hinding hindi niya itataboy. Dumating siya hindi para sundin ang kanyang sariling kagustuhan, kundi ang kalooban ng Ama—na walang mawala sa mga ibinigay sa kanya. At ang sinumang nananalig sa Anak ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko maipapakita ang pananampalataya ko sa Diyos araw-araw?

🌟 Aral ni Hesus

Itinuturo sa atin ni Hesus na ang kamatayan ay hindi ang katapusan, kundi simula ng buhay na walang hanggan para sa mga nananalig sa Kanya.

🛟 Ang Pangako ni Hesus na Buhay na Walang Hanggang. Kapag nananalig tayo sa Kanya, naniniwala tayo na ang mga mahal natin sa buhay ay naroon sa piling niya. Kaya ipagpatuloy nating ipagdasal ang mga kaluluwa ng ating mga mahal na yumao at hilingin din na dalhin nila ang ating mga panalangin kay Hesus. 

🛟 Malaya tayong lumapit kay Hesus. Sinabi niya, “Hindi ko itataboy ang sinumang lumapit sa akin.” Kahit minsan nakakalimot tayo, patuloy pa rin tayong minamahal ni Hesus at inaanyayahang lumapit muli sa kanya sa panalangin, sa Misa, at sa paggawa ng mabuti kahit walang nakakakita.

🛟 Ipagdasal ang lahat ng mga yumao. Dahil naniniwala tayong buhay na walang hanggang, patuloy nating ipagdasal ang mga kaluluwa ng ating mga mahal sa buhay na nasa purgatoryo sa pag-asang darating ang panahon na magiging karapat-dapat din silang makapiling ang Panginoon sa Langit. 

🤗Gawa

✅ Ipagdasal ang mga mahal nating yumao. Ipagsindi sila ng kandila sa simbahan
✅ Gumawa ng maliit na “Prayer Card” na may pangalan ng mahal mo sa buhay at ipagdasal siya araw-araw.
✅ Kung may pagkakataon, makiramay sa namatayan.


🙏 Panalangin

+ Panginoong Hesus, salamat sa iyong pangakong buhay na walang hanggan. Tulungan mo kaming manalig sa Iyo sa gitna ng lungkot. Bigyan mo kami ng pag-asa at liwanag upang maibahagi namin ito sa iba. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon