Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
Sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”
Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Nakasama ka na ba ng iyong nanay sa grocery? Gustong gusto natin magtuturo at maglagay ng mga kendi at sitsirya sa basket diba? Ngunit pag nakita tayo ni Nanay, naku… tatanggalin ang mga ito mula sa basket at sasabihin, hindi yan pwede o kaya babawasan ng husto. O kaya habang naglalakad sa mall makikita mo ang mga laruan, tatapikin mo ang iyong magulang at ituturo, magsusumamo at halos magmakaawa na bilhin ang laruan. Ngunit posibleng hindi ito bilhin.
Itinuturing natin ang Panginoon sa langit na ating, Ama. Kaya’t tulad ng ating magulang, malimit tayong nagdadasal upang humingi ng mga pangangailangan sa Kanya. Nakikinig kaya ang Panginoon? Ibibigay kaya Niya ang ating mga ipinagdadasal?
📖 Kwento ni Hesus
Matapos manalangin si Hesus, nagpaturo sa kanya ang kanyang mga alagad kung paano manalangin. Matapos silang turuan ay nagkuwento si Hesus tungkol sa isang taong nagpumilit humingi ng tinapay sa kaibigan sa dis-oras ng gabi. Kahit ayaw na siyang pagbuksan, dahil sa kanyang pagpupumilit, binigyan siya. Kasunod nito ay nagbigay siya ng ilan pang panghahalintulad sa panalangin at pagbibigay.
“Humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo at ang pinto’y bubuksan para sa inyo.” Lucas 11:9
🔍 Balikan ang Sarili
Buo ba ang iyong pagtitiwala na ang iyong panalangin ay didinggin at ibibigay ng Pangininoong Ama?
🌟 Aral ni Hesus
Ang panalangin ay isang paanyaya mula kay Hesus upang lumapit sa Diyos na ating mapagmahal na Ama.
🙏Alam ng Panginoon ang nasa puso natin. Bagama’t hindi natin nakikita ang Ama, hindi ibig sabihin nito na hindi niya tayo naririnig at nakikita. Alam Niya ang laman ng ating puso at ang ating tunay na pangangailangan. Ibibigay niya ang ating hinihiling basta’t ito’y makakabuti sa atin. Kung mayroon tayong exam, manalangin tayo na panatilihin tayong focused at maalala natin ang ating mga ni-review.
🙏Manalangin nang may buong pananampalataya. Gaya ng taong kumatok sa gabi para humingi ng tinapay, tinuturuan tayo ni Hesus na huwag sumuko sa pananalangin. Patuloy tayong lumapit sa Diyos, hindi dahil makulit tayo, kundi dahil nagtitiwala tayong diringgin Niya ang ating panalangin.
🙏 Ibibigay ng Panginoon ang makakabuti para sa atin. Tulad ng ating mga magulang, hindi lahat ng hiling natin ay agad na “oo” ang sagot ng Diyos. Kapag hindi Niya ibinigay ang hinihingi natin, maaaring may mas magandang dahilan o aral sa likod nito.
Halimbawa, kung may exam tayo at humiling tayong makapasa pero hindi naman tayo nag-review, dapat nating tanungin ang sarili natin—tama ba ang inaasahan natin? Baka hindi pa panahon o kailangan muna nating magsikap. Pero kahit gano’n, maaaring ang himala ay bigyan pa rin tayo ng isa pang pagkakataon na kunin ulit ang exam.
Sa panalangin, natututo tayong maging mapagtiwala, maghintay at makinig. Ang tunay na himala ay hindi lang sa sagot, kundi sa malalim na pakikipag-ugnayan natin sa Diyos.
👐 Gawa
Ngayong linggo, subukan mong piliin ang isa sa mga ito:
✅ Manalangin araw-araw na may tiwala na diringgin ang iyong panalangin
✅ Gumawa ng “prayer list” para sa mga kaibigan at pamilya.
✅ Kapag hindi agad nasagot ang dasal mo, magpasalamat pa rin at sabihin: “Nagtitiwala ako sa Iyo, Panginoon!”
Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Diyos, aming Ama sa langit, Ama ni Hesus at Ama rin namin, huwag Mo pong tingnan ang aming mga pagkukulang, kundi ang tapat naming pagmamahal sa Iyo. Ipagkaloob Mo po sa amin ang mga biyayang kailangan namin, pati na ang lakas at kababaang-loob upang patuloy na manalangin at dumulog sa Iyo. Amen.