Ang Paanyaya ni Kuya Hesus na Maging Handa para sa Kanyang Kaharian

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Mateo 25:1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.

Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e.’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto. Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kuwento ni Hesus


Ikinuwento ni Kuya Hesus ang talinghaga tungkol sa sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal kung saan ang lima ay matalino at ang lima naman ay hangal. Ang matatalinong dalaga ay nagbaon ng labis na langis para sa kanilang mga ilawan samantalang ang mga hangal ay hindi naghanda ng reserba. Nang dumating ang ikakasal sa hatinggabi, naubusan ng langis ang mga hangal at habang bumibili sila ay pumasok na ang mga nakahanda sa kasalan at ipinid na ang pinto. Ipinaalala ni Kuya Hesus na dapat tayong laging magbantay at maging handa dahil hindi natin alam ang araw ni ang oras ng Kanyang pagbabalik.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Nagkaroon na ba kayo ng earthquake o fire drill sa paaralan? Itinuturo sa atin kung saan pupunta, paano lilikas, at ano ang gagawin upang maging ligtas. Ginagawa natin ito hindi dahil may sakuna na agad, kundi upang maging handa kung sakaling dumating ito. Ganito rin ang paalala ni Kuya Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Inaanyayahan niya tayong ihanda ang ating puso at buhay para sa kanyang muling pagdating. Ang tanong, handa na kaya tayo?

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ko inihahanda ang aking puso araw-araw upang mas mapalapit kay Kuya Hesus?

🌟 Aral ni Hesus

Mahal tayo ni Kuya Hesus kaya binibigyan niya tayo ng maraming pagkakataon upang maging handa para sa kanyang pagdating. Araw-araw ay inaanyayahan niya tayong lumago sa kabanalan at pagmamahal.

❤️ Gamitin natin ang mga biyayang ibinibigay ng Diyos. Binigyan tayo ni Kuya Hesus ng mga sakramento, panalangin, at kanyang mga aral upang gabayan tayo. Kapag tayo ay nagsisimba, nagkukumpisal, at taimtim na nagdarasal, lalo nating napapalalim ang ating pakikipagkaibigan sa kanya.

❤️ Tumugon tayo sa tawag ni Kuya Hesus sa kabutihan. Maraming pagkakataon bawat araw upang magmahal at maglingkod. Kapag tayo ay tumutulong sa bahay, gumagalang sa nakatatanda, at nagiging mabuting kaibigan, pinupuno natin ng langis ang ating ilawan.

❤️ Magsimula tayo sa maliliit na gawa ng pag-ibig. Ang kabanalan ay nabubuo sa simpleng kabutihang ginagawa araw-araw. Ang pangungumusta sa may sakit, pagtulong sa kaklase, o pagpapakita ng pagmamahal kina Nanay at Tatay ay mga paraan upang maging handa sa pagdating ng Panginoon.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain

✅ Maghanda ng mga gagamitin sa paaralan sa gabi pa lamang upang maipakita ang ugali ng isang batang laging handa.

✅ Magpakita ng pagmamahal sa paaralan sa pamamagitan ng pagsasabi ng “Salamat po” sa mga kuya at ate na naglilinis ng inyong silid-aralan.

✅ Gumawa ng “langis ng kabutihan” list: isulat ang 3 mabubuting gawa na magpapaningning ng iyong puso.


🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin

♱ Kuya Hesus, tulungan Mo po kaming panatilihing nagniningning ang aming mga ilawan sa pamamagitan ng pananalangin at paggawa ng kabutihan. Bigyan Mo po kami ng pusong laging handang sumunod sa Iyo upang maging karapat-dapat kaming makapasok sa Iyong kaharian. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.