Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makakalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tanga. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din naman ang inyong puso.
“Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Itinanong ni Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Tumugon ang Panginoon, “Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.
“At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Sino sa inyo ang naging boy scout o girl scout? Alam mo ba na ang kanilang motto ay “Laging Handa”? Ibig sabihin nito, sinasanay nila ang kanilang sarili na maging alerto at maalam sa kung ano ang dapat gawin sa iba’t ibang sitwasyon, lalo na kung may emergency o masidhing pangangailangan. Lagi silang may dalang mga kasangkapan o tools na makatutulong sa paglutas ng problema o sa pagtulong sa iba. Ganyan din ang paalala sa atin ni Hesus. Ang buhay ng isang Kristiyano ay parang buhay ng isang scout: laging handa sa isip, sa puso, at sa gawa; may malasakit sa kapwa; at may pananampalatayang buo habang naghihintay sa Kanyang pagbabalik.
📖 Kwento ni Hesus
Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na maging laging handa, tulad ng mga lingkod na naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo. Hindi natin alam kung kailan Siya darating, kaya mahalaga ang pagiging tapat, mapagbigay, at maingat sa ating mga gawain. Pinaalalahanan Niya rin tayo na ang puso natin ay dapat naka-tugma sa mga bagay na mahalaga sa Diyos.
🔍 Balikan ang Sarili
Handa ba ako kung darating si Hesus ngayon? Nagsusumikap ba akong maging tapat, mabuti, at mapagbigay araw-araw?
🌟 Aral ni Hesus
Paalala ni Hesus sa ating na huwag matakot kundi maging masigla at handa sa Kanyang pagbabalik.
😇 Maging tapat sa maliliit ng bagay. Minsan akala natin, maliit lang ang isang gawain kaya hindi na mahalaga. Pero sa mata ng Diyos, ang bawat kabutihan ay may saysay. Kapag natututo tayong gawin ang tama kahit walang nakakakita gaya ng pagkukusa sa pag-aayos ng kwarto kahit walang nag-uutos, o pagsunod sa takda ng guro kahit hindi siya nakatingin ay napapalapit tayo sa puso ng Diyos.
😇 Paglingkuran ang kapwa nang may pagmamahal. Dapat ay masaya tayo sa pagtulong sa kapwa at hindi nagrereklamo o naghihintay ng kapalit. Maaaring simpleng bagay lang tulad ng pag-abot ng tubig sa kapatid, pagligpit ng upuan sa klase, o pagtulong sa kaklaseng nahihirapan sa assignment…sa puso ni Hesus, ito’y malaking paglilingkod.
😇Ituon ang puso sa kayamanang makalangit. Sa mundo ngayon, madaling mahulog ang loob natin sa mga materyal na bagay: laruan, gadgets, bagong damit o masasarap ng pagkain. Pero hindi ito ang tunay na kayamanan. Ang tunay na kayamanan ay ang ating ugnayan sa Diyos, sa panalangin, kabutihan, at pag-ibig. Kapag ito ang pinahahalagahan natin, lagi tayong handa kung kailan man Siya bumalik.
Alam natin na muling darating si Hesus, ngunit hindi natin alam kung kailan ito mangyayari. Kaya mahalagang isabuhay natin ang Kanyang mga turo upang, sa dulo ng ating buhay, masaya Niya tayong salubungin sa langit.
👐 Gawa
Ngayong linggo, subukan kong:
✅ Gumawa ng tama kahit walang nakakakita.
✅ Tumulong sa isang tao sa bahay o eskwelahan.
✅ Iwasan ang pagka-abala sa mga bagay na hindi naman mahalaga sa mata ng Diyos.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, tulutan Mo po kaming makilala Ka nang lubos at paglingkuran Ka sa aming kapwa, hanggang sa araw na makaharap Ka namin sa Iyong kaharian kung saan Ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen