Ang Mapapalad: Ang Bukal ng Pag-asa at Isang Hamon

lka-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Mateo 5:1-12a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito:

“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”

“Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.”

“Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.”

“Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.”

“Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.”

“Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.”

“Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya.”

“Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.”

“Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


📖 Kwento ni Hesus

Umakyat si Hesus sa isang bundok at doon ay tinuruan Niya ang Kanyang mga alagad at ang napakaraming taong sumunod sa Kanya. Sa Kanyang sermon, ipinaliwanag Niya na ang tunay na kaligayahan ay hindi matatagpuan sa yaman o kapangyarihan, kundi sa pagkakaroon ng mabuting puso. Ipinangako Niya ang kaharian ng langit sa mga taong nagtitiwala sa Diyos, lalo na ang mga inaapi at naghihirap. Ang mga aral na ito ang nagsisilbing gabay natin upang maging tunay na mga anak ng Diyos.

🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Nakita mo na ba ang #blessed sa social media? Karaniwan itong ginagamit sa mga post kung saan ipinapakita sa mga kaibigan o taga-follow ng iyong account na ikaw ay nabiyayaan ng isang magandang bagay o bakasyon sa mamahaling lugar! Pwede rin itong gamitin para ipakita ang masasarap na pagkain na ating nabili o natanggap bilang regalo. Pero ito nga ba ang tunay na sukatan ng blessing o biyaya? Naku, parang salungat ito sa turo ni Hesus kung saan inilahad Niya sa kanyang sermon kung sino nga ba ang tunay na mapalad. Sinamantala ni Hesus ang pagkakataon upang ipakita na ang tunay na “beati” o mapalad ay ang mga taong may malasakit at kababaang-loob.

🔍 Balikan ang Sarili

Kabilang ba ako sa mga mapapalad na tinutukoy ni Hesus sa aking pakikitungo sa aking mga kalaro at kapamilya?


🌟 Aral ni Hesus

Sa unang basa, tila mahirap unawain kung bakit tinawag na mapalad ang mga dukha, nahahapis, at inuusig. Ngunit ipinaliwanag ni Hesus na ang tunay na pagpapala ay hindi nasusukat sa yaman o papuri, kundi sa pusong marunong magpakumbaba, magmahal, at umasa sa Diyos.

❤️‍🔥 Ang tunay na mapalad ay ang taong marunong umasa sa Diyos. Kapag inaamin natin na hindi natin kayang gawin ang lahat mag-isa, mas natututo tayong magtiwala sa gabay at grasya ng Panginoon. Halimbawa, bago mag-exam o sumali sa patimpalak o contest, maaari tayong manalangin at ialay ang ating pagsisikap sa Diyos na pinagmumulan ng ating talino at lakas.

❤️‍🔥 Ang mapalad ay may malinis na puso at marunong magpakita ng awa. Itinuro ni Hesus na ang pagiging mahabagin ay hindi lang para sa mga kilala natin, kundi pati sa mga taong di natin kilala ngunit kailangan ng tulong. Lalo na kung may mga sakuna o kaya mga nadaraanan nating mga nagugutom. Maaari tayong magbahagi ng mayroon tayo upang maibsan ang paghihirap nila.

❤️‍🔥 Pinapanatili ng mapapalad ang kapayapaan at naninindigan sa tama. Bilang mga munting alagad, tinatawag tayong ayusin ang alitan at umiwas sa pang-aasar at panggu-gulo. Kapag pinipili nating sundin ang kalooban ng Diyos kahit tayo ay tinutukso o inaasar, nagiging katuwang tayo ni Hesus sa pagbuo ng Kanyang kaharian dito sa ating mundo.

👦🏽👧🏽 Munting Gawain – Gawa

✅ Isulat kung alin sa mga “Mapapalad” ang pinakanakaantig sa iyo at bakit.
✅ Isipin kung alin sa mga ito ang nasasabuhay mo na sa ngayon.
✅ Tukuyin ang isang simpleng hakbang na maaari mong gawin ngayong linggo para mas maisabuhay ang isa sa mga “Mapapalad”.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Anelita Lagbo, OSA ng Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation 😇

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies


🙏 Manalangin Tayo

♱ Panginoong Hesus, nais naming maging kabilang sa mga mapapalad na Iyong tinawag. Bigyan Mo kami ng pusong mapagkumbaba, mga kamay na handang tumulong, at lakas ng loob na piliin ang tama. Isama Mo kami sa Iyong kaharian. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.