Ang Kapangyarihan ng Matiyaga at Puno ng  Pananampalataya ng Panalangin

Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 18:1-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga upang ituro sa mga alagad na dapat silang manalanging lagi at huwag manghinawa. “Sa isang lungsod,” wika niya, “may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos sa Diyos at walang taong iginagalang. Sa lungsod ding iyon ay may isang babaing balo na punta nang punta sa hukom at humihingi ng katarungan. Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng ilang panahon. Ngunit nang malaunan ay nasabi nito sa sarili: “Bagamat hindi ako natatakot sa Diyos ni gumagalang kaninuman, igagawad ko na ang katarungang hinihingi ng babaing ito sapagkat lagi niya akong ginagambala – baka pa ako mainis sa kapaparito niya.” At sinabi ng Panginoon, “Narinig ninyo ang sinabi ng masamang hukom. Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon. Sinasabi ko sa inyo, agad niyang igagawad sa kanila ang katarungan. Ngunit pagdating ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita kaya siyang mga taong nananalig sa kanya?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na bang pumunta sa mall kasama ang iyong magulang at may nakita kang laruan na gustong gusto mong bilhin? Ngunit kahit na anong pagmamakaawa mo ay tila ayaw bilhin ni nanay o ni tatay ang laruan. Kaya’t handang handa ka ng humagulgol at maglupasay sa sahig sa pagnanasang magbago ang isip nila. Pero, alam mo ba, may talinghaga si Hesus na nagtuturo kung gaano kahalaga ang walang sukong pananalangin? Ipinakita Niya na ang tiyaga at pananampalataya ay susi para marinig at matulungan tayo ng Diyos.

📖 Kwento ni Hesus

Ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang hukom na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa tao. May isang balo (matandang babaeng wala ng asawa) na sige ang pagpunta at pagmamakaawa sa hukom na iyon para humingi ng katarungan. Dahil sa sobrang kulit ng balo, napilitan din ang hukom na ibigay ang hinihingi niya para lang tigilan na siya. Nagbigay Siya ng aral: Kung ang isang masamang tao ay nagbigay dahil sa tiyaga, paano pa kaya ang ating mapagmahal na Ama?

🔍 Balikan ang Sarili

Ano ang ipinagdadasal mo ngayon na tila hindi pa ibinibigay ng Diyos? Nagiging masugid ka pa ba sa panalangin?

🌟 Aral ni Hesus

Ang aral ni Hesus ay simple, kung ang isang masamang hukom nga ay napagbago ng isip ng balo sa pamamagitan ng tiyaga, paano pa kaya ang ating mapagmahal na Ama na gusto talaga tayong tulungan! 

🙏 Huwag tayong magsawa sa pagdarasal. Huwag tayong mapagod sa pagdarasal, kahit tila matagal bago Niya ibigay ang ating hinihiling. Halimbawa, kung nagdarasal ka para gumaling ang isang lola o kamag-anak na may sakit, ituloy mo lang ang paghiling araw-araw, dahil ang tiyaga mo ay nagpapakita ng malaking pagtitiwala sa kapangyarihan ni Hesus pagalingin ang kahit anong sakit!

🙏Magtiwala sa karunungan ng Diyos. Sa ating pagdarasal, huwag lang puro hingi ang ating gawin. Makinig din tayo sa payo at gusto ng Panginoon para sa atin. Isipin kung bakit nagtatagal na dinggin ang panalangin dahil baka naman may ibinigay na na sagot sa atin pero hindi lang natin tinatanggap. Sikaping maintindihan ang karunungan ng mga bagay at pagpapalang ibinibigay sa atin.  

🙏Magtiwala sa Kanyang pagmamahal. Mahal na mahal tayo ng Panginoon! Kaya’t huwag tayong magsawang manalangin at makipag-usap sa Kanya. Kahit na minsan nakararamdam tayo ng pagtatampo dahil sa tila di dininig ang ating panalangin. May mas magandang plano ang Panginoon sa atin. 

Ang talinghaga ay paalala na ang tunay na lakas ng panalangin ay nasa ating tiyaga at malalim na pananampalataya. Kaya magdasal tayo nang may pusong nagtitiwala, at darating ang Kanyang biyaya.

🤗Gawa

Ngayong linggo, sikaping gawin ang mga sumusunod:

Magdasal araw-araw, sa umaga pagkagising at sa gabi bago matulog

Dasalin ang Ama Namin at damhin ang linyang “Sundin ang loob Mo dito sa lupa…”

Ipagdasal din natin ang mga panalangin ng iba hindi lang yung sa atin.


🍎 Palalimin natin ang ating pagkakaunawa sa Ebanghelyo ngayong linggo kasama si Sr. Aileen Bonifacio, SPC, Vice President for Academics ng St. Paul University ❤️

Maraming salamat sa mga ka-partner natin sa Pontifical Mission Societies Philippines 🤲


🙏 Panalangin

♱ Mahal naming Panginoon at Amang Mapagmahal, salamat po sa aral ng tiyaga at pananampalataya sa panalangin. Tulungan Mo po kaming magpatuloy na magdasal sa Iyo araw-gabi, dahil alam naming agad Mo pong igagawad ang Iyong biyaya’t pagmamahal. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon