Ang Hamong Makapasok sa “Makipot na Pintuan”

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 13:22-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.

“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’ Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

May pagkakataon ba sa iyong buhay kung saan gustong gusto mong isuot ang paborito mong damit pero malalaman mo hindi na ito kasya!? Siguro medyo napasarap ang kain mo habang bakasyon kaya’t medyo nadagdagan ang iyong timbang. Kailangan mong magsikap… mag-exercise, kumain ng masustansya, at umiwas sa junk food, para muli itong magkasya. Maihahalintulad din dito ang ating buhay pananampalataya. Kung pababayaan natin ang ating sarili ay maaaring busog tayo sa makamundong mga luho ngunit hindi naman tayo makakapasok sa “makipot na pinto” ng Kaharian ng Diyos. 

📖 Kwento ni Hesus

Habang naglalakbay si Jesus patungong Jerusalem, may isang nagtanong sa Kanya tungkol sa kaligtasan. Sinagot Niya ito sa pamamagitan ng paalala na kailangang magsumikap tayong makapasok sa makipot na pintuan. Dagdag pa rito, binalaan Niya ang lahat na kapag naisara na ang pinto, huli na ang lahat upang makapasok, gaano man nila ipilit ang kanilang sarili.

🔍 Balikan ang Sarili

Ano kaya ang mga bagay na kailangan kong isuko o baguhin upang makapasok ako sa “makipot na pinto” ng langit?

🌟 Aral ni Hesus

Ang makipot na pinto ay larawan ng ating pagsusumikap na mamuhay nang tapat sa mga aral ni Hesus. Hindi ito madali, pero posible kung isasabuhay natin ang Kanyang mga aral at gabay.

🚪 Ang pintuan ay makipot dahil kailangan ng sakripisyo. Parang sa pag-iwas sa junk food o paglalaro muna ng sports kaysa humiga at mag-cellphone, kailangan nating piliin ang makakapagpayaman ng ating buhay pananampalataya at kaluluwa kahit kadalasan ay mahirap ito. 

🚪Huwag magpakitang tao sa paggawa ng kabutihan. Ang tunay na pagsunod kay Hesus ay ang pagsasabuhay ng Kanyang mga mga turo. Hindi pwedeng ipinapakita lang natin sa publiko ang ating kabutihan ngunit kapag tayo na lang sa ating sarili o sa tahanan ay wala sa ayos at mapanghusga sa kapwa. 

🚪Lahat ay inaanyayahan ng Diyos na makapiling niya, pero nasa atin ang pagtugon. Nasa atin na ang pagpapasiyang sumunod at tumugon sa tawag ng Panginoon. Hindi naman tayo pinipilit! Pero para sa iilang tutugon sa Kanyang imbitasyon ay may nakahandang maganda at maluwalhating buhay sa atin sa Kaharian ng Panginoon. 

Ang ating buhay pananampalataya ay parang training sa sports at palaro. Kung hindi tayo magsisikap ngayon, baka mahuli tayo at hindi makapasok sa kaharian. Ngunit kung magiging tapat tayo sa Kanya, tiyak na may lugar tayo sa piling ng Diyos.

👐 Gawa

Ngayong linggo, piliin at gawin ang tatlo sa mga ito:

✅ Iwasan ang panunukso o pang-aasar sa kaibigan o kapatid.

✅ Ayain ang kaibigan na magdasal sa chapel bago maglaro

✅ Magdasal bago matulog. 


🙏 Panalangin

♱ O Hesus, tulungan Mo po kami sa aming pagsisikap na lalong mapalapit sa Iyo sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng Iyong mga aral upang makapasok sa makipot na pintuan. Turuan Mo po kaming maging tapat na tagasunod sa Iyong kalooban, anuman ang aming kinakaharap na sitwasyon. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay