Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Isang Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo; at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.
Napansin ni Hesus na ang pinipili ng mga inanyayahan ay ang mga upuang nakalaan sa mga piling panauhin. Kaya’t sinabi niya ang talinghagang ito: “Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang tanging upuan. Baka may inanyayahang lalong tanyag kaysa iyo. At lalapit ang nag-anyaya sa inyong dalawa at sasabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay ninyo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayo’y mapapahiya ka at doon malalagay sa pinakaabang upuan. Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Sinabi naman ni Hesus sa nag-anyaya sa kanya: “Kapag naghahanda ka, huwag ang mga kaibigan mo, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, sapagkat aanyayahan ka rin nila, at sa gayo’y nagantihan ka. Kaya kung ikaw ay maghahanda ng isang malaking salu-salo, ang mga pulubi, mga pingkaw, mga pilay, at mga bulag ang anyayahan mo. Hindi sila makagaganti sa iyo at sa gayo’y magiging mapalad ka. Gagantihan ka ng Diyos sa muling pagkabuhay ng mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Kapag may dadaluhan kang party hindi ba sobra kang na-e-excite lalo na kung alam mo na marami sa paborito mong pagkain ang ihahanda tulad ng lechon, lumpiang shanghai, hotdog at iba pa! Kaya naman pagdating sa party, minsan gusto mong mauna o maupo malapit sa buffet para mauna sa pila at hindi maubusan ng pagkain! Pero paano kung sa kagustuhan mong mauna ay mapahiya ka kung ang kinauupuan mo ay nakalaan pala para sa mas espesyal na bisita kaysa sayo!? Naku! Ano kaya ang mararamdaman mo kung palilipatin ka sa ibang puwesto?
📖 Kwento ni Hesus
Si Hesus ay inimbitahan sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Napansin Niya na gusto ng mga tao ang pinakamagagandang pwesto. Kaya ayon sa Kanyang turo, mas mainam ang maging mapagkumbaba kaysa mapahiya. Ipinangaral rin Niya na ang tunay na pagbibigay ay yung walang hinihintay na kapalit. Sa mata ng Panginoon, mas mainam pang magbigay sa mga pulubi, pilay, bulag, dahil hindi nila maibabalik ang kahit na anong yaman bukod sa taos pusong pasasalamat.
“Ang mabuti, kapag naanyayahan ka, doon ka maupo sa pinakaabang upuan, sapagkat paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, ‘Kaibigan, dini ka sa kabisera.’ Sa gayun, nabigyan ka ng malaking karangalan sa harapan ng mga panauhin. Sapagkat ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” San Lucas 14:10-11
🔍 Balikan ang Sarili
Ako ba ay nagbibigay at tumutulong lamang sa mga taong kaya ring magbigay sa akin? O kaya ko rin bang ibahagi ang aking mga biyaya sa mga walang kakayahang magsukli ng yaman?
🌟 Aral ni Hesus
Ang turo ni Hesus ay simple ngunit malalim: Ang tunay na karangalan ay nakikita sa pagiging mapagkumbaba at mapagbigay.
😌 Sa Pagiging Mapagkumbaba…
Hindi kailangang laging nauuna. Ang nagpapakumbaba ay hindi naghahanap ng pinakamataas na pwesto o laging una sa pila, kundi marunong magbigay-daan sa iba. Tulad sa pila halimbawa sa canteen kung saan pinauuna natin ang kaklaseng nagmamadali kaysa makipaggitgitan para mauna. Siguradong matutuwa ang iyong kaibigan na nagmalasakit ka sa oras na gipit siya sa oras.
Hangarin natin ang karangalan mula sa Diyos, hindi sa tao. Ang tunay na dangal ay hindi galing sa palakpakan ng tao, kundi sa pagkilala ng Diyos sa mabuti nating puso. Kapag may proyekto sa klase at pinapansin natin ang gawa ng iba, hindi lamang sarili nating ginawa, mas nakikita ang ating kabutihang-loob. Tingnan din natin ang angking galing ng iba at siguradong matutuwa sila!
🤲 Pagbibigay nang Walang Hinihintay na Kapalit
Tumulong sa walang kakayanang gumanti. Ang tunay na kabutihan ay lumilitaw kapag tumutulong tayo sa mga hindi makakabigay pabalik. Tulad ng sa simpleng paglilimos sa batang lansangan o di kaya’y pag-share ng baon sa kanila, ipinapakita nito ang pag-ibig na turo ni Hesus.
Hangarin ang gantimpala ng Diyos, hindi ng mundo. Ang pinakamahalagang gantimpala ay hindi pera o gamit, kundi kapayapaan ng puso at ang buhay na walang hanggan kasama ng Diyos. Kapag nagkukusa tayong tumulong sa gawaing bahay kahit wala naman nakakakita o nakakaalam, siguradong nakikita ito ng Panginoon.
Kapag natututo tayong magpakumbaba at magbigay nang walang hinihintay na kapalit, lalo tayong nagiging malapit kay Hesus at nagiging tunay na biyaya para sa iba.
👐 Gawa
Ngayong linggo, piliin at gawin ang tatlo sa mga ito:
✅Magbigay ng maliit na tulong o pagkain sa taong nangangailangan ngayong linggo.
✅Ipagdasal ang mga hindi makagaganti sa atin, lalo na ang mga mahihirap.
✅Sa bahay o paaralan, unahin ang kapakanan ng iba bago ang sarili.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Panginoong Hesus, turuan Mo po kaming maging mapagkumbaba at bukas-palad. Huwag sana kaming maghanap ng gantimpala mula sa tao, kundi mula sa Iyo lamang. Amen.