Ang Hamong Magmahal Tulad ng Ginawa at Ginagawa ni Kristo

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 14: 25-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sumama kay Hesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak magtayo ng tore, hindi ba uupo muna siya at tatayahin ang magugugol para malaman kung may sapat siyang salaping maipagpapatapos niyon? Baka mailagay ang mga pundasyon ngunit hindi naman maipatapos siya’y kukutyain ng lahat ng makakakita nito. Sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naipatapos.’ O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna uupo at pag-aaralang mabuti kung ang sampunlibo niyang kawal ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampunlibong tauhan? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayun din naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Naranasan mo na bang malagay sa sitwasyon na kailangan mong pumili kung alin ang uunahin? Halimbawa, bumili ng bagong game sa computer ang magulang mo at nasa pinaka-exciting na parte ka ng laro, pero kailangan mo mag-review dahil may mahabang pagsusulit kayo kinabukasan! O kaya, may lakad kasama ang barkada, pero may iniwang gawaing-bahay si Nanay na dapat mong tapusin. Hindi madaling magpasya, lalo na kung mas gusto mong gawin ang isa pero mahalaga ring gawin ang isa kahit hindi ito ganoon kaaya-aya. Ganyan din sa ating pananampalataya—may mga pagkakataon na kailangan nating piliin kung ano ang higit na mahalaga: ang sariling kagustuhan, o ang pagsunod sa tama, na madalas ay may kasamang sakripisyo.

📖 Kwento ni Hesus


Maraming tao ang sumusunod kay Hesus. Sinabi Niya na hindi maaaring maging alagad Niya ang sinumang nagmamahal sa pamilya o sa sarili nang higit kaysa sa Kanya. Idinagdag din Niya na ang hindi nagpapasan ng sariling krus at sumusunod sa Kanya ay hindi tunay na alagad. Ipinaliwanag Niya ito gamit ang halimbawa ng taong nagtayo ng tore at ng haring makikipagdigma: kailangang mag-isip at magplano bago gumawa ng mahalagang desisyon. 

🔍 Balikan ang Sarili

Kung papipiliin ka, mas uunahin mo ba si Hesus kaysa sa sariling kagustuhan o pansariling ginhawa?

🌟 Aral ni Hesus

Itinuturo ni Hesus na ang pagiging alagad Niya ay nangangailangan ng buo at tapat na pagmamahal na Siya ang nauuna sa lahat.

♥️ Si Hesus ang dapat unang mahalin. Totoo na mahalagang mahalin natin ang ating sarili at pamilya, pero higit at mas dakila dapat ang pag-ibig natin kay Hesus. Kung araw ng Linggo at pagod ka na sa dami ng ginawa mo sa buong linggo, sisikapin mo pa ring maglaan ng oras upang magsimba, sapagkat alam mong ito ang mas mahalaga at tunay na tanda ng pag-ibig mo kay Hesus.

♥️ Ang pagiging alagad ay may kasamang sakripisyo. Ang pagpapasan ng krus ay pagsasabuhay ng pagtitiis at pagtulong sa iba. Kapag tinutulungan mo ang iyong kaibigan kahit pagod ka na, pinapasan mo ang maliit mong krus at ipinapakita mo ang pagmamahal ni Hesus sa iyong kapwa.

♥️ Ang pagsunod kay Hesus ay buong-buo, hindi kalahati lang. Hindi sapat na Kristiyano tayo sa ngalan lamang; kailangan ay nakikita rin ito sa ating gawa. Kapag natutukso kang mandaya sa exam dahil hindi mo alam ang sagot kahit ikaw ay nag-aral ngunit pinili mo pa rin manatiling tapat, ipinapakita mo na mas mahalagang maging tapat kay Hesus kaysa sa mataas na grado ngunit nakuha naman sa di magandang paraan. 

Ang tunay na pag-ibig ay ang pag-ibig na inuuna si Hesus higit sa lahat. Sa ganitong paraan, mas nagiging totoo at mas malalim ang ating pagmamahal sa pamilya at kapwa.



🤗 Gawa

Ngayon, isipin mo: Paano mo maipapakita na inuuna mo si Hesus?

✅ Uunahin kong magsimba at magdasal tuwing Linggo.

✅ Susubukan kong magsakripisyo sa pamamagitan ng pagtulong kahit hindi ako komportable.

✅ Pipiliin kong maging tapat at mabuti kahit mahirap gawin.


🙏 Panalangin

♱ Panginoon, Ikaw ang aming tanging yaman, pag-asa, at buhay. Ipagkaloob Mo sa amin ang biyayang maging tapat sa Iyo sa bawat sandali, upang makasama Ka namin sa Iyong Kaharian na walang hanggan. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay