Ang Hamong Maging Mayaman sa Paningin ng Diyos

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lucas 12:13-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

May alkansiya ka ba sa bahay? Maaaring ito ay gawa sa lata ng gatas o plastik na baboy na may butas sa likod! Nakatutuwa kapag unti-unti itong napupuno, lalo na kung may pinaglalaanan kang laruan na matagal mo nang gustong bilhin. Sabi nga ni Nanay o Tatay, “Mag-ipon ka para sa kinabukasan.” Pero alam mo ba na di lamang pera ang pwede mong ipunin? Maaari ka rin mag-ipon ng kayamanan bilang paghahanda sa langit!

📖 Kwento ni Hesus

Isang lalaki ang lumapit kay Hesus at humiling na pumagitna Siya sa paghahati ng mana. Ngunit sinabi ni Hesus na hindi Siya ipinadala upang maging hukom sa ganitong usapin. Sa halip, nagbabala Siya laban sa kasakiman at ipinaalala na ang buhay ay hindi nasusukat sa dami ng kayamanan. Ikinuwento Niya ang talinhaga ng isang mayamang lalaki na umani nang masagana at nagdesisyong ipunin ang lahat ng kanyang yaman upang mabuhay sa kaginhawaan. Ngunit kinagabihan ding iyon, siya ay namatay. Sinabi ni Hesus na ganito ang mangyayari sa mga taong inuuna ang kayamanan sa mundo ngunit nakakalimutang yumaman sa mata ng Diyos.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano ka makakaipon ng kabutihan para sa langit? 

🌟 Aral ni Hesus

Ang tunay na yaman ay hindi lang galing sa mga pera. Pinakamayaman ng maituturing ang mga taong may mabuting puso. 

👉 Magbahagi sa iba. Lagi nating ilagay sa ating isip na ang lahat ng pagpapala ay nagmumula sa Diyos. Oo, marami tayong bagay na pinaghihirapan upang makamit, halimbawa– sa masugid na pag-aaral para makakuha ng mataas na grado. Ngunit matuto rin tayong magbalik ng biyaya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtuturo o pagtulong sa kaklaseng nahihirapan sa aralin. 

👉 Ang kabutihan ay kayamanang naiipon sa ating puso. Ang pagmamahal sa kapwa, malasakit, at pagtulong sa nangangailangan ay mga turo ni Hesus na nagiging kayamanan sa ating puso. Hindi ito nauubos, hindi nawawala, at hindi mananakaw ninuman. Ito ang yaman na mananatili sa atin magpakailanman.

👉 Ang tunay na yaman ay nabubuo mula sa maliliit na kabutihan. Hindi kailangan maghintay ng mga malalaking kaganapan o sakuna upang gumawa ng kabutihan. Hindi natin kailangan maghintay ng sunog o ng mga masasalanta ng bagyo o lindol upang mag-donation drive o mamigay ng mga lumang damit. Sa simpleng pag-ngiti sa umaga sa ating mga magulang, sa bawat pagbabahagi ng baon sa kaklaseng nakaiwan ng kanyang pagkain o sa paggawa ng gawaing bahay, tayo ay nagiging mabuti. Sa bawat kabutihang ating ginagawa ay tila baryang inihuhulog natin sa alkansiya ng kabutihan.

Ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa dami ng pag-aari, kundi sa kabutihang ginagawa natin araw-araw. Sa bawat maliit na pagtulong, pagbabahagi, at pagmamahal, tayo ay nag-iipon ng yaman sa ating puso na siyang pinakamahalaga sa mata ng Diyos.

👐 Gawa

Ngayong linggo, pipili ako ng tatlong paraan upang magkapag-ipon para sa langit:

✅Tumulong sa pag-aaral ng isang kaklaseng nahihirapan

✅Magkukusang tumulong sa gawaing bahay

✅Mag-aalay ng dasal para sa maysakit 


🙏 Panalangin

♱ Panginoong Hesus, ikaw lamang ang makapagbibigay-kahulugan at direksiyon sa aming buhay. Tibayan mo ang aming pananalig sa ipinangako mong gantimpalang buhay na walang hanggan at tulutan mo kaming maging saksi ni Hesus sa lupa. Amen.

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay