Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.
“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
📖 Kuwento ni Hesus
Ipinapaalala ni Hesus sa Kanyang mga alagad na sila ay asin at ilaw ng sanlibutan. Ang asin ay nagbibigay lasa at saysay, at ang ilaw ay nagbibigay liwanag sa dilim. Kapag nawala ang alat ng asin o itinago ang ilaw, nawawala rin ang silbi nito. Kaya hinihikayat tayo ni Hesus na ipakita ang kabutihan sa pamamagitan ng ating mga gawa upang mapuri ang Ama sa langit.
“Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.” Mateo 5:16
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Anong ginagawa mo bago pumasok sa isang madilim na kuwarto, lalo na sa gabi? Binubuksan mo ang ilaw, hindi ba? Naranasan mo na bang biglang mawalan ng kuryente habang nasa loob ka ng kuwarto? Nakakagulat at nakakatakot diba? Kapag may ilaw, mas kampante tayo dahil malinaw nating nakikita ang paligid at alam natin ang ating gagawin. Kaya nagpapasalamat tayo sa liwanag na gumagabay sa atin. Sa Ebanghelyo ngayong linggo, hinahamon tayo ni Hesus na maging liwanag para sa iba. Ano kaya ang ibig sabihin nito sa ating araw-araw na buhay?
Ang Ebanghelyo ngayong linggo ay pagpapatuloy ng mensahe ni Hesus matapos Niyang ipahayag ang Beatitudes. Ngayon naman, malinaw Niyang sinasabi ang hamon sa lahat ng Kanyang alagad: maging asin at ilaw ng sanlibutan sa pamamagitan ng pamumuhay na may kabutihan at pananampalataya.
🔍 Balikan ang Sarili
Sa iyong pananalita at pakikitungo sa iyong mga kaibigan, nagdadala ka ba ng kislap ng saya o dilim at kalungkutan?
🌟 Aral ni Hesus
Binibigyang-diin ni Hesus ang Kanyang hamon sa ating maging matapat upang matulungan siya sa Kanyang misyong sagipin ang mundo sa kasamaan.
🕯️ Maging pampalasa tayo sa buhay ng ibang tao. Tulad ng asin na nagpapasarap sa pagkain, ang ating mabubuting gawa tulad ng simpleng pagngiti at pagbati sa umaga ay nakapagbibigay ng saya sa araw ng iba. Kapag tumutulong ka nang walang hinihintay na kapalit, nagiging mas “masarap” at mas makabuluhan ang mundo para sa mga taong nasa paligid mo.
🕯️ Ang iyong kabutihan ay dapat magsilbing ilaw na hindi ikinahihiya o itinatago. Hindi tayo dapat matakot na gumawa ng tama kahit tila tayo lang ang gumagawa nito, gaya ng pagsasabi ng totoo o pagsunod sa magulang kahit walang nakatingin. Kapag pinili mong maging matapat, parang kang nagsindi ng kandila sa isang madilim na silid na nagbibigay ng pag-asa sa iba na tulad mo, kaya rin nilang maging mabuti para sa iba.
🕯️ Pinapapurihan natin ang Panginoon sa ating mabuting gawain. Ang ating pagiging “ilaw” at “asin” ay hindi para tayo ay sumikat, kundi upang makita ng mga tao na ang Diyos ay kumikilos sa pamamagitan natin. Ialay natin ang ating mabubuting gawain bilang pasasalamat na ginagawa Niya tayong daluyan ng kabutihan sa lahat.
👦🏽👧🏽 Munting Gawain
✅ Magbigay ng tapat na papuri o “compliment” sa isang taong pagod o malungkot upang maging ilaw sa kanilang araw.
✅ Sumunod agad sa utos ng ating magulang nang may ngiti sa labi upang magsilbing mabuting halimbawa sa mga kapatid o pinsan.
✅ Ipagdasal ang mga taong nakasakit sa iyo at piliing maging maunawain sa halip na gumanti.
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
♱ Ama naming mapagkalinga, puspusin Mo po kami ng Iyong pag-ibig upang maging asin at ilaw kami sa aming tahanan at paaralan. Tulungan Mo po kaming laging piliin ang kabutihan upang sa pamamagitan namin ay makita ng lahat ang galing at ganda ng Iyong mga nilikha. Amen.