Ang Diyos ng Pag-ibig: Pinagmulan, Buhay, at Hantungan Natin

Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos
Juan 16:12-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan. Sapagkat magsasalita siya hindi sa ganang kanyang sarili; sasabihin niya sa inyo ang kanyang narinig, at ipapahayag ang mga bagay na darating. Pararangalan niya ako sapagkat sa aking magmumula ang ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay akin; kaya ko sinabing sa akin magmumula ang ipapahayag niya sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


🙇🏽‍♂️ Ating Karanasan

Napansin mo ba kung gaano kabilis nating makalimutan ang mga pangyayari sa ating buhay? Sa paglipas ng panahon ay nawawala na rin ang ating alaala ng mga nagaganap sa ating buhay. Minsan nga, kung tayo ay may nakagalit na kaibigan o kaklase ay hindi na natin matandaan kung ano ang nangyari, ang alam na lang natin ay ang emosyon o nararamdaman! 

Pero may mga bagay din na kahit matagal na, ay nananatiling sariwa, tulad ng kwento at aral ni Hesus! Bakit kaya hindi natin siya nakakalimutan kahit 2,000 taon na ang lumipas? Ano ang sikreto ng presensya ni Hesus na laging buhay sa ating puso’t isipan?

📖 Kwento ni Hesus

Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na marami pa Siyang gustong sabihin, pero hindi pa nila ito kayang unawain noon. Kaya’t nangako Siyang ipadadala ang Banal na Espiritu na magtuturo at magpapaliwanag sa kanila ng buong katotohanan. Ang Espiritu ay hindi magsasalita ng tungkol sa sarili Niya, kundi yun lamang mga katotohanan at kuwentong nagmumula kay Hesus at sa Ama. Ang bawat sasabihin ng Espiritu ay galing sa Diyos at magbibigay ng karangalan kay Hesus.

🔍 Balikan ang Sarili

Paano mo nararamdaman ang presensya ni Hesus kahit hindi mo Siya nakikita?

🌟 Aral ni Hesus

Ang Diyos ay buhay na Tatlong Persona: ang Diyos Ama na lumikha sa atin, ang Diyos Anak na nagturo ng pag-ibig at kabutihan, at ang Espiritu Santo na laging gumagabay sa atin araw-araw. Sa dami ng pagsubok at tukso sa mundo, hindi laging madali na piliin ang tama. Pero hindi tayo nag-iisa! Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nananatili tayong nakakapit kay Hesus. 

Narito ang tatlong paraan kung paano natin Siya mas lalong makikilala at masusundan:

  1. Ang Espiritu Santo ang tumutulong sa atin na maunawaan ang katotohanan. Ang Espiritu ang nagbibigay-liwanag sa ating isipan. Para itong ilaw sa dilim na tumutulong sa atin na makita ang tama sa gitna ng kaguluhan—tulad ng kapag nagdarasal tayo bago mag-exam o humihingi ng tulong gumawa ng tama.
  2. Ang Espiritu ay tagapagpaalala ng lahat ng sinabi at ginawa ni Hesus. Kapag naririnig natin ang mga mabubuting payo ng ating magulang, guro, o kaibigan, ito’y paraan ng Espiritu upang ipaalala sa atin ang kabutihan ni Hesus. Para Siyang tahimik na bumubulong sa ating puso: “Tama iyan. Sundin mo si Hesus.”
  3. Ang Espiritu ang gumagabay sa ating puso tungo sa Diyos Ama. Minsan, nalilito tayo kung tama ba ang ating kilos o kung dapat ba nating gawin ang isang bagay. Sa mga ganitong sandali, ang Espiritu ang tumutulong sa ating konsensya na piliin ang landas na makakabuti sa atin at sa ating kapwa.

Sa tulong ng Espiritu Santo, patuloy tayong lumalago sa pananampalataya, at nananatiling buhay si Hesus sa ating isipan, sa ating pananalita, at higit sa lahat, sa ating mga gawa.

👐 Gawa

Isabuhay natin ang aral ng Ebanghelyo ngayong linggo!

✅ Manalangin tuwing umaga: “Espiritu Santo, samahan Mo po ako ngayon.”

✅ Gumawa ng mabuti kahit walang nakakakita—tanda na ginagabayan ka Niya.

✅ Gumuhit ng larawan ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu bilang iisang Diyos ng pag-ibig.


🙏 Panalangin

♱ O Banal Espiritu Santo, kami’y nagpapasalamat at Ika’y ipinadala ni Hesus upang magbigay ng lakas at maging aming gabay sa pagsasabuhay ng kabutihan. Nawa’y lagi po kaming manatili sa Inyong presensya araw-araw. Amen. 

Source

Yaman ng Salita, Word and Life Publications | Paghahawan, Diocese of Novaliches | Espirituwal na pag-gabay ni Rev. Fr. Niño Etulle, SCJ | Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos, Volume I & II. Karapatang-sipi © Panayam ng mga Katolikong Obispo sa Pilipinas 2014, Lupon Rehiyonal Ukol sa Tagalog sa Liturhiya, Archdiocesan Liturgical Commission, Manila.

Ika-4 na Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay | Kapistahan ng Mabuting Pastol

Ikatlong Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ikalawang Linggo sa Pasko ng Muling Pagkabuhay