Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinag-uusapan ng ilan sa mga tao ang templo – ang kahanga-hangang mga bato na ginamit dito at ang mga palamuti nito na inihandog ng mga tao. Kaya’t sinabi ni Hesus, “Darating ang panahong lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, walang batong ititira sa ibabaw ng kapwa bato.”
Tinanong nila si Hesus, “Guro, kailan po ito mangyayari? At ano ang magiging palatandaan na ito’y magaganap na?”
Sumagot siya, “Mag-ingat kayo at nang hindi mailigaw ninuman! Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako ang Mesiyas!’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong mabagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi darating karaka-raka ang wakas.” At sinabi pa niya, “Makikipagdigma ang bansa laban sa kapwa bansa at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, magkakagutom at magkakasalot sa iba’t ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kagila-gilalas na tanda buhat sa langit.
“Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
🙇🏽♂️ Ating Karanasan
Sa panahon ngayon, kung kailan kabi-kabila ang sakuna, trahedya, bagyo, lindol, at baha, gaano tayo kahanda? May mga tahanang naghahanda ng “go bag” o emergency kit na may tubig, pagkain, baterya, flashlight, at gamot. Ang mga pamilyang handa ay mas kalmado kapag dumating ang unos dahil alam nilang malalagpasan nila ito. Pero paano naman kung hindi handa? Naku, malaking problema kapag dumating ang sakuna nang walang kahit anong paghahanda. Ganyan din sa ating pananampalataya. Dumarating ang mga “unos” ng buhay tulad ng tukso, takot, o kalungkutan, kaya dapat palaging handa ang ating puso.
📖 Kwento ni Hesus
Sinabi ni Hesus sa mga alagad na darating ang panahon na mawawasak ang magagandang gusali ng templo at wala ni isang batong matitira sa ibabaw ng isa pa. Ngunit pinaalalahanan Niya sila na huwag matakot sa mga kaguluhan, digmaan, o sakuna. Ang lahat ng ito ay pagkakataon upang ipakita ang pananampalataya sa Diyos. Pinangako ni Hesus na bibigyan Niya sila ng karunungan at lakas upang manatiling matatag hanggang sa wakas.
“Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”(Lucas 21:17–19)
🔍 Balikan ang Sarili
Paano ako naghahanda araw-araw para manatiling tapat kay Hesus kahit sa gitna ng mga pagsubok?
🌟 Aral ni Hesus
Tinuturuan tayo ni Hesus na huwag matakot sa mga kaguluhan o sakuna, kundi magtiwala sa Diyos at maging matatag sa pananampalataya.
🌊 Maging matatag sa gitna ng takot. Kapag may mga bagay na nakakatakot, tulad ng bagyo o problema sa pamilya, tandaan natin na kasama natin si Hesus. Ang Panginoon ang liwanag sa dilim na nagbibigay lakas sa ating malagpasan ang anumang sakuna sa buhay.
🌊 Magpakatotoo sa pananampalataya. Minsan, mahirap ipagtanggol ang tama o aminin na nananampalataya tayo sa Diyos. Pero kapag ginagawa natin ito nang may kababaang-loob, nagiging saksi tayo ni Hesus sa ating mga kaibigan at kaklase.
🌊 Magtiis at magtiwala. Ang mga pagsubok ay hindi parusa, kundi pagkakataon upang lumago sa pananampalataya. Kapag natututo tayong magtiis at nagiging mas madasalin, mas lumalakas ang ating loob at mas napapalapit tayo sa Diyos.
🤗Gawa
✅ Gumawa ng “Faith Go Bag” sa papel at isulat sa loob nito ang mga bagay na makatutulong sa pananampalataya (hal. panalangin, Biblia, kabutihan).
✅ Ipagdasal ang mga biktima ng bagyo o lindol at magbigay ng maliit na tulong kung kaya mo.
✅ Sa oras ng takot o problema, sabihin nang may buong pagtitiwala: “Kasama ko si Hesus, handa akong harapin anumang problema!”
🍎 Huwag kalimutang i-download at sagutan ang LiturgyFun worksheet para sa linggong ito!

🙏 Panalangin
+ Panginoong Hesus, maraming salamat at pinapanatag Niyo ang aming loob sa gitna ng mga pagsubok. Tulungan Mo kaming maging mga batang handa sa pananampalataya, matatag sa kabutihan, at mapayapa sa gitna ng anumang pagsubok. Amen